DIWARA talaga ang tadhana. Kapag sinabing diwara, ito ay pagbibiro na may kakambal na pang-aasar.
May isang ama na naki-usong mag-Saudi noong 80’s. Gusto kasi niyang umasenso ang buhay. Pangarap niyang makaahon sa kahirapan at mapag-aral sa kolehiyo ang mga anak. High school graduate siya pero magaling siyang mekaniko ng sasakyan. Tamang-tama na pang-abroad ang talent niya. Iniwan niya ang kanyang mag-iina sa probinsiya. Kaya lang, nakakaisang taon lang siya sa Saudi, susme, nagsumbong ang kanyang panganay na nahuli niyang nanlalaki ang ina. Tuluyan nang nakisama ang kanyang asawa sa kabit nito. Ang kanyang mga anak ay kinupkop ng kanyang mga magulang.
Ipinagpatuloy niya ang buhay sa Saudi. Nakipag-penpal siya sa mga babaeng inirerekomenda ng kanyang mga kasamang OFW. Nakakuha muli siya ng bagong asawa. Sa Maynila sila tumira ng kanyang bagong pamilya. Pinadadalhan na lang niya ng sustento ang mga anak sa probinsiya. Dumaan ang maraming taon, nabiyudo siya sa kanyang orig at ikalawang misis. Isang araw ay sumampal na lang sa kanyang mukha ang katotohanang, ang pagpapakahirap niya sa Saudi ay walang ibinunga – walang nakatapos sa pag-aaral sa kanyang mga anak. Ang pinakamasakit, naging pokpok pa ang isa.
Ngayon, matanda na siya. Wala siyang napala sa pagsa-Saudi. Sa sobrang gastadora ng kanyang ikalawang asawa, hindi siya nakabili ng sariling bahay. May kanya-kanya nang pamilya ang kanyang mga anak. Nahihiya siyang pumisan sa mga anak dahil mga padampot-dampot lang ng raket ang mga ito. Minsan, natagpuan niya ang sarili na nakasakay sa barko pauwi sa kanilang probinsiya. Sa bahay ng kanyang ina siya umuwi na 85 years old na. Ang mga anak niya sa orig ay hirap din ang buhay kaya malabong sa mga ito siya makituloy.
Isang araw ay may kotseng pumarada sa kanilang bahay. Bumaba ang isang lalaki. Pagkatapos tanungin ang kanyang pangalan ay mahigpit itong yumakap sa kanya. Ang lalaki ay anak niya sa kanyang pinakaunang naging girlfriend. Pinikot lang naman siya ng unang asawa.
Diwara talaga ang tadhana. Kung sino ang anak na hindi niya pinaghirapang buhayin ay siya ngayong nagbibigay sa kanya ng magarbong buhay. Nagbabakasyon siya ngayon sa Singapore kasama ang anak sa labas na hindi sinasadyang napabayaan niya nang matagal na panahon.