SI Ho Eng Ui, 58, isang kung fu master ay kilala sa Malaysia sa kanyang kakaibang hintuturo. Masasabing bakal ang kanyang hintuturo dahil sa kakayahan niyang bumutas ng mga buko. Kung papanoorin kasi si Ho, aakalaing may martilyo siyang gamit sa bilis niyang magbutas ng buko.
Ayon kay Ho, 17 anyos pa lamang siya nang magsimulang magsanay ng tinatawag niyang ‘one-finger’ kung fu. Nagsanay siya sa pamamagitan ng pagsuntok sa mga puno ng saging upang tumigas ang buto ng kanyang mga daliri. Sa sobrang seryoso niya sa pagsasanay ay inakala ng mga tao na nababaliw na siya dahil sinusuntok niya ang lahat ng puno ng saging na kanyang nadadaanan.
Nagbunga naman ang kanyang pagsasanay dahil dalawang taon matapos siyang magsimulang magsanay ay nabutas niya ang isang buko gamit lamang ang kanyang hintuturo sa unang pagkakataon.
Ngayon ay isa nang world record holder si Ho pagdating sa pabilisan sa pagbutas ng buko gamit lamang ang daliri. Nakuha niya ang Guinness World Record nang mabutas niya ang apat na buko ng niyog sa loob lamang ng 12.15 segundo.
Ngayon ay naghahanapbuhay si Ho sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanyang kakaibang kakayahan sa mga turista na dumadayo sa kanyang lugar upang mapanood ang pagbutas niya ng mga buko. Kinilala ng gobyerno ng Malaysia ang kanyang kakayahan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng sarili niyang lugar kung saan makakapagtanghal siya para sa publiko.