LUMINGON si Princess. Isang lalaki ang tumawag sa kanya. Si Chester!
“Kumusta, Princess?”
Ilang saglit na hindi nakapagsalita si Princess. Bakit narito na naman ang lalaking ito?
“Bakit hindi ka makapagsalita? Parang nakakita ka ng multo. Ayaw mo na ba akong makita Princess.’’
“Sino ba naman ang matutuwang makita ka Chester?’’
“O bakit ako? Ano bang ginawa ko sa’yo?’’
“Ang dali mo namang makalimot. Gusto mo ba isa-isahin ko ang mga nangyari.’’
Nagtawa si Chester. Nakakainsulto ang tawa nito.
“Huwag kang magtawa Chester. Lalo lang lumalabas ang masama mong ugali. Parang nagtatawang demonyo.’’
Napaseryoso ang mukha ni Chester. Namula. Halatang tinablan sa sinabi ni Princess.
“Akala mo siguro natutuwa ako sa iyong ginawa sa akin.’’
“Bakit ako ang sinisisi mo? Hindi ako ang may kasalanan nang lahat!”
“Letse ka!’’
“Princess,” sabi at lalapit pa si Chester kay Princess.
“Huwag kang lalapit. May dala akong patalim dito sa ilalim ng bilao. Sasaksakin kita!’’
Natigilan si Chester. Mukhang hindi nagbibiro si Princess.
“Princess, pakinggan mo ako. Hindi ako ang may kasalanan.’’
“Ulol! Hindi mo na ako mapapaniwala sa mga sinasabi mo. Ipinakita mo na sa akin ang masama mong ugali. Hindi ka dapat pagtiwalaan.’’
“Princess!” sabi nito at akmang lalapit.
Pero mabilis na nadukot ni Princess ang kutsilyo na panghiwa ng bibingka. Itinutok kay Chester.
“Sige, lumapit ka at itutusok ko ito sa tiyan mo! Sige lapit!”
Atras si Chester.
“Bakit naman ganyan, Princess. Bakit bigla kang naging matapang?”
“Dahil sa’yo!”
“Princess, mag-usap tayo. Pag-usapan natin ang mga nangyari.”
“Hayup ka! Hindi na ako naniniwala sa’yo!”
“Sige na Princess!”
“Sige magpumilit ka at sasaksakin kita.’’
Tumigil si Chester. Delikado!
Umalis na si Princess. Hindi niya binitawan ang kutsilyong panghiwa ng bibingka. Gagamitin niya iyon kapag nagpumilit si Chester.
(Itutuloy)