SASAGUTIN na raw ni Vice President Jejomar Binay ang mga inaakusa sa kanya. Sabi ng kanyang tagapagsalita na si Cavite Gov. Jonvic Remulla, magsasalita raw si Binay sa Lunes ng umaga (live address) at sasagutin isa-isa ang mga paratang sa kanya at pamilya. Ihahayag din daw ni Binay ang mga nangyayari sa bansa sa kasalukuyan at sa susunod na dalawang taon.
Patuloy ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kay Binay kaugnay sa umano’y overpriced na Makati building na ginawa noong siya pa ang mayor. Corruption ang inaakusa kay VP Binay dahil sa overpriced na building. Ang halaga ng parking building ay P2.3 billion. Ayon sa mga nag-aakusa, ang halaga lamang ng building ay P1.2 billion.
Noong Huwebes, muling may pinasabog si dating Vice Mayor Ernesto Mercado ukol kay Binay at sinabing siya ang nagdedeliber ng pera na nakalagay sa tatlong bag. Galing umano sa mga contractor ang pera. Ang pera ay para sa anak ni Binay at sa sekretarya ng Vice President.
Pero ang laging sagot ni Binay, pinupulitika raw siya. Ginagamit din daw ng mga senador ang Senado para “mantsahan” ang kanyang pangalan. Ang dalawang senador daw na nagdidiin sa kanyang pangalan ay may mga sariling ambisyon. Gusto raw ng mga itong tumakbo sa 2016. Hindi raw nagiging parehas ang Senado sa pag-iimbestiga. Wala raw katotohanan ang mga paratang sa kanila.
Mas makabubuti kung haharap sa pag-iimbestiga ng Senado si Binay. Hayaang ang mga Senador ang magtanong sa kanya. Magandang pagkakataon ang pagharap para masagot nang deretso ang mga tanong. Kung magsasalita siya sa Lunes, wala ring epekto sa mamamayan. Kung haharap sa mga nag-iimbestiga, maipapaliwanag niya lahat. Mahalagang malinawan ang lahat nang mga ibinabato sa kanya. Dito mapapatunayan kung tapat at malinis siyang lider.