MATAGAL nang hinihintay ng mamamayan ang pag-aapruba ng Freedom of Information (FOI) Bill. Kung maaaprubahan ito ang magiging gabay para matahak ng bansang ito ang sinasabing “matuwid na daan”. Kung hindi magkakaroon ng kaganapan ang inaasam na FOI Bill, wala nang pagkakataon ang mamamayan na malaman ang mga transaksiyong ginagawa ng pamahalaan. Wala nang transparency.
Ang mga sinabi ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. ang nagbibigay ngayon ng pag-asa sa mamamayan. Sabi ni Belmonte sa isang television interview, maipapasa ang FOI Bill sa termino ni President Noynoy Aquino. Ayon sa Speaker, bago matapos ang panunungkulan ni P-Noy sa 2016, pasado na ang FOI Bill. Sa himig ng pananalita ni Belmonte, sinisiguro niyang maaaprubahan na ang panukala. Ang Senado ay may sariling version ng FOI Bill at pasado na. Tanging ang House na lamang ang hinihintay para maging ganap na batas.
Nakasaad sa Sec. 28 Article II at Sec. 7 Article III ng 1987 Constitution na may karapatan ang mamamayan na malaman ang mga transaksiyong ginagawa ng pamahalaan. Karapatang mabatid ang lahat ng polisiya, proyekto at mga programa ng gobyerno kung saan sangkot ang pera ng taumbayan. Bilang taxpayers, dapat mabatid at malinawan ng mamamayan kung saan napupunta ang kanilang ibinabayad.
Kapag naging batas ang FOI Bill, maaari nang magkaroon ng access ang mamamayan sa lahat ng mga programang ginagawa ng public officials. Mala-laman na ng mamamayan kung paano ginagastos ng kanilang official ang pondo. Malalaman ng mamamayan kung ano ang mga pinasok na kontrata at mga kasunduan. Maaari na ring malaman ng mamamayan kung ano ang ginagawang programa ng public officials para mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo.
Naniniwala kami sa pangako ni Belmonte na maaaprubahan na ang FOI Bill. Hindi na sana maunsiyami ang inaasam ng mamamayan sa pagkakataong ito. Hinihintay na ng mamamayan ang FOI Bill.