ISANG araw, natagpuan ng mag-asawang Peter at Netty Hazel ang isang tupang pagala-gala malapit sa kanilang tahanan sa Tasmania, Australia.
Hindi naman nahirapan ang mag-asawa na hulihin ang tupa dahil mabagal gu-malaw dahil makapal ang balahibo. Nahirapan silang buhatin ito dahil napakabigat. Ayon kay Paul, ito ang pinaka-mabigat na tupang kanyang nakarga.
Pinangalanan nila itong ‘Shaun’ na hango sa isang cartoon character na tupa rin. Bukod tangi ang tupa dahil napakakapal ng balahibong bumabalot dito. Sa sobrang kapal ng ‘wool’ ni Shaun ay sinasabing siya ang tupang may pinakamakapal na balahibo sa buong mundo.
Sa tingin ng mag-asawa, nakatakas si Shaun mula sa bukirin na pinanggalingan nito at maaring nagpalaboy-laboy ito hanggang mapadpad sa kanilang bakuran. Base sa kapal ng hindi nagugupit na wool na bumabalot sa kanya, maaa-ring anim na taon na simula nang makatakas si Shaun mula sa kanyang may-ari at nagsimulang magpagala-gala sa Australia.
Hanga ang mag-asawa na nakatagal si Shaun ng anim na taon na palaboy-laboy habang nababalutan nang napakakapal na balahibo. Maari kasing ikamatay ng mga tupa ang labis na wool dahil maaring magdulot ito ng heat stroke mula sa ma-tinding init.
Kaya balak ng mag-asawa na gupitan na si Shaun. Sa kapal ng balahibo ni Shaun ay inaabangan kung makukuha nito ang world record sa dami ng wool na magugupit. Balak din nilang isali si Shaun sa ilang road shows sa Australia.