NAKAKAPANGHINA naman ng kalooban ang kinasapitan ng kasong plunder laban kay dating Agriculture secretary Cito Lorenzo at Usec. Jocjoc Bolante na sangkot sa umano’y maanomalyang P728 million fertilizer fund scam.
Ayon sa second division ng Sandiganbayan wala raw sapat na ebidensiya upang ipursige ang kasong plunder laban sa dating opisyal ng DA.
Kung ganito ang mangyayari sa kaso ng mga alegasyong may kinalaman sa katiwalian sa gobyerno ay nakapanghihina at malabong maipatupad ang reporma sa gobyerno.
Ayon sa mga mahistrado ng second division ng Sandiganbayan, mahina ang kaso sa plunder subalit parang pakunsuwelo de-bobo sa publiko ay hindi ito tuluyang ibinasura ang kaso.
Binigyan pa ng karagdagang 60 araw ng Sandiganbayan ang Ombudsman upang makapagsumite ng karagdagang ebidensiya laban sa mga isinasabit na opisyal sa nakaraang Arroyo administration.
Nang pumutok ang nasabing usapin sa fertilizer fund scam ay naging tinik ito sa Arroyo administration at inabot ng kaliwa’t kanang batikos dahil sa katiwalian.
Maraming pulitiko ang sumakay sa fertilizer scam na ito para birahin ang Arroyo administration at sa katunayan ay marami ang nanalo sa eleksiyon dahil sa paggamit ng isyung ito.
Sa panig ng media, ang mga broadcaster ay halos mamaos sa mga komentaryo at ang mga columnist na nagsulat at bumatikos dito pero mauuwi lang pala sa wala ang kaso at hindi naman pala mapapanagot sa plunder ang mga opisyal na isinasabit dito.
Nakapanghihinayang lang dahil halos lahat ng sektor ay nakuha ang atensiyon sa nasabing umano’y anomalya sa fertilizer. Maging ang Senado ay naglaan nang maraming oras sa ginawang pag-iimbestiga sa fertilizer fund scam.
Pero sa pangyayaring ito, papalag kaya ang mga opisyal ng gobyerno na nakapuwesto ngayon dahil sa paggamit sa isyu ng fertilizer fund scam tulad ng ilang senador, kabilang na si Vice President Jejomar Binay na umatake at bumanat sa Arroyo administration.
Dapat siyasatin kung nagkaroon ng pagkukulang ang Ombudsman kung kaya humina ang kaso. Kung may pagkukulang, marapat na papanagutin din dahil nalagay na naman sa balag ng alanganin ang katarungan laban sa paglustay ng pondo ng bayan.