Signature campaign, mahihirapan
INILUNSAD kahapon ang signature campaign laban sa umano’y pagpapatuloy ng pork barrel system sa gobyerno na pinangunahan ng militanteng grupo ang nasabing pagkilos.
Masasabing hindi gaanong dinagsa ang nasabing pagtitipon at halos puro mga militanteng grupo at ilang personalidad ang dumalo at hindi naabot ang inaasahang 500,000 hanggang 1 million katao ang dadalo sa naturang kilos protesta.
Batay sa aking karanasan na 20 taon na rin sa media, napakahirap makalusot ang signature campaign dahil kailangang maabot ang 10 porsiyento ng kabuuang populasyon ng mga botante sa buong bansa.
Bukod dito ay kailangang makuha rin ang 3 porsiyento ng mga rehistradong botante sa bawat congressional district.
At siyempre, asahan natin na kapag kumilos din ang mga kongresista laban sa signature campaign at naglabas ng pondo ay asahan na mabubulilyaso ang kampanya.
Dadaan pa sa pagbusisi ng Comelec ang mga makakalap na lagda upang tiyaking ito ay hindi peke at ang mga pumirma ay rehistradong botante.
Ang aking panukala sa mga nagnanais na tuluyang matanggal ang pork barrel system sa gobyerno ay maghanap ng matibay na ebidensiya at sampahan ng kaso ang mga kongresista at senador ang Malacañang. Deklaradong iligal na ang pork barrel funds dahil nagdesisyon na ang Supreme Court at kung ito ay susuwayin ay lalabag na sa batas.
Mas madali ang diskarteng ito kumpara sa signature campaign na parang lulusot sa butas mg karayom ang proseso. Kung may matibay kasing ebidensiya, mailalabas na mayroon pa ring pork barrel ay mas madali ang magsampa ng kaso laban sa mga lalabag dito.
Bukod dito ay ikampanya sa nalalapit na eleksiyon na huwag nang iboto ang mga pulitikong nagpasasa at nakinabang sa pork barrel at tiyakin na hindi na sila mabibigyan ng pagkakataon na makakuha ng posisyon sa gobyerno.
- Latest