‘Tiket mama…’

ANG isang bagay na gusto mong tama ang pagkagawa, huwag mo nang iaasa sa iba. Dahil baka sa huli, ikaw pa ang maperwisyo.

“Pauwi sana kaming magkakamag-anak sa Bacolod. Nakapag-empake na rin kami. Lahat ay sabik nang makarating sa probinsya para makaabot sa piyesta pero walang nangyari,” kwento ng isang kamag-anak ni Enecito.

Si Enecito Morado, 42-taong gulang ng Tondo, Manila, ay kasalukuyang may-ari ng panaderya at dating reporter ng radyo (hindi DWIZ). Siya ay may kaibigan sa istasyong dating pinapasukan. Ito ay si Oscar Perias, 40-taong gulang. Siya rin ang nagpakilala sa isang Toto Aguila, isa namang reporter sa Sandigan Bayan. Mahigit tatlong taon na ring magkaibigan sina Toto at Enecito. Ika-20 ng Marso 2013, naitanong ni Enecito kay Toto kung mayroon siyang alam na nagbebenta ng tiket ng barko papuntang Bacolod.

“Mayroon akong kakilala pare, kung mayroon kang pasasakayin, akong bahala,” sagot ni Toto. Kinabukasan pumunta si Toto kila Enecito. “Pare, may mga sasakay na ba ng barko? Nakausap ko na kasi yung kakilala ko na nagbebenta ng murang tiket. Kailangan daw muna ng 1,000 cash advance,” ani Toto. Kwento pa ni Toto, na ang one-way ticket na makukuha niya sa kanyang kaibigan ay nagkakahalaga ng P1,500, kalahati ito ng tunay na presyo. Labing-apat na katao ang nagbabalak umuwi sa Bacolod upang makaabot ng piyesta. Kabilang dito ang mga tiyahin, tiyuhin at iba pang kamag-anak ni Enecito. Kasama rin ang ilang mga kaibigan na suki niya sa kanyang tindahan.

Ito ay sina Kristina Cadiente, Nesa Cadiente, Relen Pedro, Larry Pedro, Remelanda Pedro, Mac Larry Pedro, Maricar Pedro, Lilibeth Sato, Mark Liven Sato, Trisha Sato, Gertrudes Salado, Danilia Salado, Marites Macarine at Monesa Algadipe.

Kwento ni Enecito, hindi raw niya nilalagyan ng patong ang presyo ng tiket sa kadahilanang mga kamag-anak at kaibigan niya ito. Ginawa lamang niya ito bilang tulong sa kanila. Paglipas ng apat na araw, tumawag si Toto at nagsabing maghulog sa LBC sa pangalan ni Nere Des Calsota, kaibigan ni Toto. Nagbigay ng tig-isang libo (P1,000) ang mga tao kaya’t naghulog agad si Enecito sa LBC Juan Luna ng labing limang libong piso (P15,000). Abril 21, tinawagan ni Enecito si Toto upang alamin kung kailan nila makukuha ang tiket, “Pare sa 28 ibibigay ang tiket,” sagot ni Toto. Ika-28 ng Abril, araw na nakatakda ng alis ng barko, tinawagan ni Enecito si Toto. “Preparado na yung mga taong sasakay ng barko. Nasaan na ang mga tiket?”, wika ni Enecito.

“Naloko ako ng aking ka­ibigan,” sagot ni Toto.  Nagulat si Enecito at sinabi kay Toto na gawan ng paraan ito. Mula noon ay hindi na umano nagpakita kay Enecito si Toto. Maging ang mga tawag nito ay hindi na rin niya sinasagot. Dahil sa kahihiyang dulot ng pagkukusang-loob ni Enecito sa mga kamag-anak at mga suki sa tindahan, sinangla niya ang kanilang bahay na nag­kakahalagang P20,000 upang ma­ibalik ang mga perang binayad sa kanya. Paglipas ng ilang buwan, muling nakausap ni Enecito si Toto. Nangako itong babayaran siya ng paunti-unti.

“Puro na lang siya pa­ngako! Linggo, buwan at ngayon uma­bot na ng taon,” giit ni Enecito. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabayad si Toto. Ito ang dahilan ng paglapit ni Enecito sa aming tanggapan.

Itinampok namin si Enecito Morado sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ(Lunes-Biyernes, mula 2:30-4:00PM. At Sabado 11:00-12:00NN).

PARA SA PATAS NA PAMAMAHAYAG, sinubukan naming tawagan si Toto Aguila. Sumagot siya sa telepono at itinanggi na siya nga si Toto Aguila. Ang pangalang ibinigay niya Toto Millete.

Inimbitahan namin siya sa aming opisina upang maipaliwanag ang kanyang panig. Ngunit ang naging sagot lang niya, “Hindi­ ko alam bakit kami uma­bot sa ganito. Nakapag-usap na rin kami niyan ni Enecito”.

Nangako pa itong si Toto na pupunta dito sa aming opisina sa nasabing linggo, ngunit lumipas  ang ilang araw walang Totong dumating.

Tinawagan namin si Toto at ang sagot niya,“Hindi ako pwedeng umalis sa trabaho ko. Nakailang absent na kasi ako. Nakausap ko na rin si Enecito”

Bineripika namin kay Enecito ang sinabi sa kanya ni Toto. Magbabayad daw ito tuwing kinsenas ng P2,000.  Pumayag si Enecito sa kasunduan nila ni Toto.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, isa sa pinakabatayan ng integridad ng isang tao ay kung ito’y mapagkakatiwalaan sa pera. Nagtiwala sa iyo ang marami at hindi mo pwedeng sabihin na basta na lamang niloko ka at itinakbo ng isang tao na hindi naman nila kilala.  Magnakaw ka ng piso, isang daan, isang libo, isang milyon; pagnanakaw pa rin ang tawag dun. Darating ang panahon na baka sa paggising mo ay ikaw wala ng tiwala sa sarili mo na humawak ng pera. Kailanman, hindi mo dapat sirain ang tiwala ng mga taong umaasang tutulungan mo. (KINALAP NI HAZELYN FRIAS)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285/7104038 o mag-mes­sage sa www.facebook.com/tonycalvento

 

Show comments