Matindi ang babala ni DILG Secretary Mar Roxas sa mga pulis na hindi magsisikap at magsisipag sa pagsugpo ng krimen.
Relieve sa puwesto ang kakaharapin. Kung tatamad- tamad sa trabaho matindi ang kinakaharap na kaparusahan.
Nauna nang nasampolan at ni-relieved sa puwesto si Supt. Bernard Tambaoan, hepe ng Caloocan police sa kakulangan ng administrative performance sa duty nito at ang station commander ng MPD Station 11 na si Luis Francisco Jr.
Kabilang sa non performance o kakulangan ay yaong mabagal ang pagtugis sa mga most wanted, lalu’t matindi na ang mga ebidensiya at mga testigo sa mga taong pinaghahanap.
Isa sa mga tinututukan, lalu na ang mga kaanak ng nabiktima ay ang brutal na pagpaslang sa labing isang buwan gulang na sanggol sa San Juan noong Agosto 1 lamang. Halos mag- iisang buwan na at positibo nang kinilala ang suspect na nakunan pa ng CCTV na nakilalang si Arnel Tumbali. Ngayon ayon sa pulisya ay hinihintay pa nila ang pag -issue ng warrant of arrest laban kay Tumbali.
Nababahala na rin ang publiko dahil kung hihintayin pa ang warrant of arrest ay maaring makatakas o makalayo pa ang suspect. Tiniyak ng testigo na si Tumbali ang suspect base nga sa kuha sa CCTV camera.
Tanong ng mga taga -San Juan, hihintayin pa bang pumatay muli ito. Kung may diprensiya man ito sa pag-iisip, hindi ba’t marapat na hanapin na kahit wala pa ang warrant at ipasuri at dalhin na sa kaukulang insititusyon para hindi na makapanakit pa. Pwede rin naman na kahit wala pa ang warrant ay maimbitahan ito.
Hindi nga ba’t madalas na binabanggit na “Justice delayed is justice denied”.
Isa pang pinaghahanap ng batas ay ang kasambahay na pumaslang sa amo nitong babae noong Hunyo pa. Si Elsa Napigkit ,18-anyos ay limang araw pa lang na kasambahay nina Josephine Garcia sa Balanga Bataan--at iyon--pag-uwi mula sa school ng anak nito-inabutan nitong tadtad ng saksak ang inang si Josephine sa kuwarto ng kasambahay nito. Ang kasambahay na si Elsa ay nawala--pati na rin ang mga alahas at cash ng amo.
Sana’y malinaw na nakarating sa mga hepe ng pulisya ang babala na ito ni DILG Secretary Mar Roxas, mag-perform ng mabuti. Patunayang may mga pag-aksyon sa mga kasong iniimbestigahan. Hindi lang hanggang imbestiga lang kundi pati na rin ang pagdakip at pagkakaso sa mga suspect ay dapat na matututukan. Hindi nababaon na lang sa limot. Kaya parami nang parami ang mga unsolved crime na maaari ring isisi dahil sa katamaran.
Sa huli’y idiniin ni Secretary Roxas na gagawaran naman ng parangal ang mga masisipag na imbestigador at mabilisang pag aresto sa mga suspect na pinaghahanap.