Aminado ang PNP na tumaas ng halos sa kalahating porsiyento ang bilang ng mga naitalang kinarnap na mga sasakyan sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa unang anim na buwan ng 2014 kumpara sa ganito ring period ng nagdaang taon.
Sa report ng PNP-HPG, lumalabas na mula sa dating bilang na 1,881 na mga nakarnap na sasakyan mula Enero hanggang Hunyo noong 2013 ay umabot na ito ngayon sa 3,027 sa unang anim na buwan ng taong kasalukuyan.
Eto pa, karamihan sa mga kinarnap na sasakyan eh mga motorsiklo na umaabot sa 2,866 ang bilang.
Sa buwan ng Pebrero naitala ang may pinakamaraming karnap na sasakyan na umabot sa 639 kumpara sa ganoon din buwan ng nagdaang taon na 315 lamang.
Aba’y, ganito na pala katindi ang mga ninanakaw na sasakyan, at ang mataas na bilang ng mga karnap na motorsiklo na talagang nakakaalarma.
Biruin ninyong libu-libong mga karnap na motorsiklo na siya ngayong gamit ng mga kriminal at kawatang mga tandem ang gumagala pala sa mga lansangan, malamang lalo na rito sa Metro Manila.
Ang mataas na insidente ng krimen na kinasasangkutan ng mga tandem ay malamang na may konek sa mataas na kaso ng karnap partikular ng mga motorsiklo.
Kung ganito karami ang mga nakaw ng motorsiklo, malamang sa alamang na ginagamit ito sa mga ilegal na operasyon.
Dapat mas lalong mapagtuunan ito ng pansin ng PNP, upang masupil ang operasyon at pamamayagpag ng mga ito. Sa dami ng kumakalat na karnap na sasakyan partikular ng mga motorsiklo, dito naman kailangan ang kooperasyon ng mga rider.
Sa panig ng pulisya mas dapat pang paigtingin ang ‘Oplan Sita’ sa pamamagitan ng mga checkpoint pa sa mga estratihikong lugar. Sigurado kasing nand’yan lang sa tabi-tabi at maaaring magamit sa krimen ang mga kinarnap na sasakyang ito.