ISANG batang babae mula sa Indonesia ang muling nakapiling ang kanyang pamilya matapos tangayin ng tsunami na tumama sa Indonesia 10 taon na ang nakakaraan.
Si Raudhatul Jannah ay apat na taong gulang pa lamang nang grabeng tamaan ng tsunami ang probinsiya ng Aceh, kung saan sila nakatira.
Nahiwalay si Raudhatul at ang kanyang kapatid na lalaki sa kanilang mga magulang nang tangayin sila nang mga malalaking alon.
Tinangay din ang kanyang mga magulang ngunit nakaligtas ang mga ito. Isang buwan din silang hinanap ng kanilang mga magulang ngunit nang magtagal ay tinanggap na lamang ng mga ito na namatay na ang dalawang anak.
Hanggang lumipas ang 10 taon. May nabalitaan ang mga magulang ni Raudhatul na may namataan daw na batang babae ang isa nilang kamag-anak na kasing-edad at kahawig ni Raudhatul sa isang liblib na bayan sa kalapit na isla.
Hanggang sa nakumpirma nila na ang nawawala nga nilang anak ang nakitang bata. Isa raw itong ulila at kinupkop ng mangingisdang nakakita habang palutang-lutang sa dagat matapos ang sakuna noong 2004.
Masaya ang muling pagkikita ni Raudhatul at kanyang mga magulang. Hindi makapaniwala ang mga magulang ni Raudhatul na matapos ang 10 taong pagkakawalay ay makakapiling nilang muli ang anak na akala nila ay patay na.
Sabi ni Raudhatul, maaaring buhay pa ang kanyang kapatid na kasama niyang natangay ng alon. Pareho raw kasi silang nakaligtas sa tsunami ngunit ibang mangingisda ang kumupkop dito. Umaasa ang mga magulang na buhay pa nga ang kapatid ni Raudhatul at makakapiling din nila ito sa darating na panahon.