Makailang ulit na rin tayong nagpaalala sa kolum na ito tungkol sa pagkuha ng mga kasambahay lalu’t hindi natin kabisado ang pinanggalingan at rekomedasyon lamang.
Sa maraming insidente, kung ang ilan ay ilang araw lamang-umaalis na at tinatangay ang gamit at alahas at pera ng amo, mas nakakaalarma ang modus na pagpaslang mismo sa kanilang mga amo na ninanakawan.
Sa nangyari sa Balanga Bataan kamakailan, limang araw pa lang na -hire base sa rekomendasyon ng isang kaibigan ang 18-anyos na si Elsa Napigkit. Bukod sa ninakawan ni Elsa ang kanyang among babae ay pinatay pa ito.
Ang masakit pa rito labis na ikinalungkot ng mister na nagtatrabaho sa ibang bansa ang nangyari sa asawa sa kamay ng bagong katulong na naging dahilan naman nang pagka-stress nito, inatake at nasawi rin.
Si Elsa tumakas at hanggang sa ngayon ay pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad.
Noon lamang nakaraang linggo sa Dasmariñas Cavite, isa rin kasambahay na umano’y bading at kinilalang isang alyas Sandy ang nangmolestiya at pumatay sa 13-anyos na anak ng kanyang amo.
Ang suspect na matapos pagkatiwalaan, ayun tumakas din.
Ang nakakaalarma rito, malamang magpalamig lamang ang mga kawatang kasambahay na ito at pagnagtagal ay muli na namang mag-aaplay para sa panibago nilang biktima.
Dito dapat mag-ingat ang publiko, iba na siyempre iyong kabisado mo ang kukuning kasambahay. Kung pwede nga lang ay masusing i- back ground check ang mga ito. Hindi rin dapat maniwala agad sa mga dokumentong ipiprinsita ng mga ito, dapat matiyak na hindi ito peke o gawa-gawa lamang .
Minsan pa nga kahit alam ng nagrekomenda na may magandang rekord ang ipapasok pero pagdating sa loob nagbabago na ang mga ito.
Payo rin ng mga awtoridad huwag, agad-agad magtiwala kailangan pa rin ang masusing obserbasyon. Mas mabigat din kung may kakutsaba pa ang mga ito.
Paalala muli sa ating mga amo, tiyakin ang pagkuha ng inyong kasambahay--kayo rin ang mawawalan hindi bale kung gamit lang huwag lang buhay.