NAGTAKBUHAN palabas ng kuwarto ang mga pinsan ni Jo. Parang mga daga na nabulabog. Kanya-kanyang ligtas ng sarili. Kapag nahuli sila ng mga motawa at pulis, masama ang kahahantungan. Tiyak na masisibak siya sa trabaho. Pauuwiin siya at kung mamalasin, baka mabulok siya sa bilangguan dahil matutuklasan na gumamit sila ng bawal na droga o ng marijuana (o damo).
Hindi siya magpapahuli sa mga pulis at motawa! Gagawa siya ng paraan para makatakas. Hinding-hindi siya magpapahuli!
Nag-isip siya ng paraan kung paano makakatakas. Kung gagamit siya ng hagdan pababa o elevator, tiyak na masasalubong niya ang mga motawa. Matitiklo siya. Kung magkukulong siya sa kuwarto ng pinsan, tiyak na lalo siyang mahuhuli.
Mabilis niyang tinungo ang comfort room. Tumingala siya. Nakita niya ang exhaust fan. Inalis niya ang pagkakasaksak. Tumuntong siya sa inidoro. Dahil matangkad siya, tamang-tamang naabot niya ang exhaust fan. Binaklas niya. Alam niyang baklasin iyon dahil minsan na siyang nakasama sa isang pinsan na nagkakabit ng mga aircon at kung anu-ano pa. Nang maalis, ipinasok niya ang ulo sa butas na pinag-alisan ng exhaust fan. Sinilip niya ang babagsakan, disyerto. Nasa second floor sila kaya mababa pa rin. Pero maaaring bumagsak siya nang mali at mapilayan. Umalis siya sa pagkakadungaw at bumalik sa kuwarto. Nakita niya ang mahabang kurtina. Pinagkabit-kabit niya. Itinali niya ang isang dulo sa base ng inidoro at ang isang dulo sa kanyang baywang. Sumampa siya sa butas ng pinag-alisan ng exhaust fan at una ang paa ay lumusot siya. Nagpadausdos siya. Dahan-dahan. Para siyang si Spider-Man sa pagkakataong iyon. Hanggang sa isang dipa na lamang ang agwat niya sa lupa.
(Itutuloy)