EDITORYAL - Second term

P ABOR si President Noynoy Aquino na am­yendahan ang Konstitusyon at kapag nangyari iyon maaari siyang umulit sa panunungkulan sa ikalawang pagkakataon. Pero ito raw ay mangyayari lamang kapag sinabi ng kanyang mga “boss” na walang iba kundi ang taumbayan. Makikinig daw siya sa sasabihin ng taumbayan. Inamin ni P-Noy sa isang TV interview na hindi perpekto ang Constitution. Marami raw provisions na dapat i-fine tune at i-update. Isa raw dito ay ang power ng Supreme Court na dapat mabago.

Lagi nang binabanggit ng Presidente ang kanyang mga “boss”. Maski sa kanyang mga SONA, binibigyang halaga niya ang kanyang mga “boss”. Makikinig daw siya sa kanyang mga “boss”. At dito sa usapin ng Charter change (Cha-cha), ang kanyang mga “boss” daw ang pakikinggan. Para bang ang lahat ng kanyang mga gagawin ay dapat isangguni muna sa kanyang mga “boss” na walang iba kundi ang taumbayan. Para bang hindi siya makakakilos kung walang pagsang-ayon ng mga “boss”.

Pero hindi na siguro dapat pang hintayin ang pagsang-ayon ng mga “boss” sapagkat noon pa, majority ng taumbayan ay hindi sumasang-ayon sa pag-amyenda sa Konstitusyon. Marami ang ayaw sa pag-e-extend ng termino ng Presidente. Noon pa, panahon pa nina dating President Fidel Ramos at Gloria Macapagal-Arroyo ay marami nang humihirit ng Cha-cha. Ang taumbayan ay hindi sumasang-ayon sa pag-amyenda ng Consti­tution. Maski ang ina ni P-Noy na si dating President Cory Aquino ay kontra sa Cha-cha.

Kung ano raw ang sabihin ng mga “boss” ay pakikinggan ni P-Noy. Sana nga. Hindi sana niya pakinggan ang sinasabi ng kanyang mga kasama o kapartido na manungkulan muli siya sa ika­lawang pagkakataon. Ang kanyang mga “boss” ang nagsasabing tama na ang isang termino sa puwesto. Igalang ang nakasaad sa Konstitusyon.

 

Show comments