ISANG kompanya sa Melbourne, Australia ang nakaimbento ng isang t-shirt na hindi na kailangan pang labhan dahil gawa ito sa isang uri ng tela na hindi nababasa o nadudumihan.
Ang kompanyang Threadsmiths ang nakaimbento ng kakaibang t-shirt. Ilang beses na nilang tinesting ang kanilang bagong produkto. Binuhusan nila ng softdrinks at pinasingawan ngunit hindi talaga kumakapit dito ang tubig o mantsa.
Ayon sa mga nakaim bento ng t-shirt, super hydrophobic ang telang ginamit nila kaya sa halip na ito’y sumipsip ng tubig at mabasa ay gumugulong lamang ang mga patak ng tubig dito. Hindi rin kumakapit sa t-shirt ang mga mantsa, na kailangan lamang punasan upang mawala.
May iba nang naimbentong t-shirt na hindi rin nababasa ngunit hindi pumatok ang mga ito dahil pagkatapos ng ilang beses na mabasa ay nagiging pangkaraniwang t-shirt na lamang ang mga ito na nababasa at sumisipsip ng tubig. Ang t-shirt na ginawa ng Threadsmiths ay pangmatagalan dahil hindi basta-basta nawawala ang bisa ng tela nito laban sa tubig.
Sa ngayon, t-shirt pa lamang ang ibinebenta ng kompanya ngunit pinag-iisipan na rin nila ang paggawa ng ibang produkto mula sa naimbentong tela.