Kontra-SONA, papogi lang

NAGING tradisyon na ang tinatawag na kontra-SONA bilang tugon sa naunang State of the Nation Address ng Presidente.

Kahapon ay nag-deliver ng kontra-SONA ang minorya sa Senado sa pamamagitan ni Sen. JV Ejercito kung saan ay tumalakay sa umano’y tunay na kalagayan ng bansa.

Siyempre, narinig natin ay ang kontra o kabaliktaran lang naman ng SONA ni President Noynoy Aquino.

Wala namang masama sa kontra-SONA pero ito ba ay solusyon sa problema nang maraming naghihirap na Pilipino?

Mas mainam ay ang laman ng kontra-SONA ay tunay na solusyon sa problema lalo na sa kawalan ng trabaho at patuloy na kahirapang nararanasan ng masang Pilipino.

Sa mga taong mahihirap ay wala naman silang pakialam sa kontra-SONA dahil hindi naman sila mabubusog nito.

Ayon kay JV ang kailangan daw ay ayusin ang imprastraktura at sistema sa bansa para lumago ang pamumuhunan at iba pang problema sa mataas na bilihin at enerhiya. 

Ang sarap pakinggan ang mga ganitong talumpati kung mayroong nangyayaring resulta.

Pero ito ay papogi lang na tradisyong isinasagawa ng minorya.

Tigilan na ang paggamit ng mga  pulitiko sa mga mahihirap para magpapogi sa publiko. Ang kailangan ng mamamayan ay ang solusyon at aksiyon sa problema ng bansa.

Nagsasawa na ang masang Pilipino sa mga papogi at pamumulitika. Makabubuting manahimik na lang at magtrabaho ang mga mambabatas na dapat ay gumawa nang matinong batas.

 

Show comments