SA panahon ngayon na nagkalat ang cellphone, ipad, email, viber, text messaging na napaglalapit ang dalawang tao kahit sa malayong lugar, bakit tila mas lalong hindi nagkakaintindihan ang iba sa atin. “Isang taon na siyang nakakulong sa Immigration nag-apela ako dati pero hindi naman ako napagbigyan,” pahayag ni Lizney.
Kung inyong matatandaan amin nang naitampok sa aming pitak ang kwento ni Lizney Rahmati at ng kanyang asawang Iranian na si Mohammad Rahmati. Pinamagatan namin itong ‘Kasunduan na kasalan (?)’. Sa isang pagbabalik-tanaw nagtungo sa aming tanggapan si Lizney upang humingi ng tulong na matanggal sa listahan ng mga papauwiin sa kanilang bansa ang kanyang asawa. Una nang nagkaroon ng problema si Mohammad nang kasuhan siya ng Grave Coercion ng kapwa Iranian. Nobya niya pa lang noon si Lizney. Matapos naman ang ilang pagdinig sa kaso na-dismiss ito noong Mayo 13, 2013. Inakala nila na tapos na ang kanilang problema at matutuloy na ang pinaplanong kasal ngunit noong ika-22 ng Mayo 2013 dumating naman ang taga Immigration. Alas sais pa lang ng umaga hinuli na nito si Mohammad kasama ang kanyang kapatid na si Amir. Ito ay dahil sa pananatili ng matagal sa Pilipinas (overstaying). Agad na umapela si Lizney ngunit hindi siya napagbigyan. Kahit na ganito ang sitwasyon itinuloy pa din nila ang kanilang kasal. Sa loob ng Bureau of Immigration Ward ito naidaos noong ika-2 ng Oktubre 2013.
Halos isang taong nagtiis ang mag-asawa sa ganitong takbo ng kanilang buhay. Linggo linggo namang bumibisita si Lizney kay Mohammad. Dito na naisipan ni Lizney na magtungo sa aming opisina. Agad naman kaming humingi ng tulong sa tanggapan ni Commissioner Siegfred Mison ng Bureau of Immigration and Deportation (BID). Inalam namin kung ano ang mga hakbang na maaaring gawin ni Lizney para mapalabas doon ang kanyang asawa. Kwento ni Lizney, matapos naming makapanayam sa radyo si Comm. Mison, agad siyang nag-apela noong Hunyo 3, 2014. “Nagpunta ako sa tanggapan ni Comm. Mison. Sinabi nila sa ‘kin kung ano ang kailangan kong ihanda para sa apela,” wika ni Lizney. Gumawa si Lizney ng sulat ng apela niya, naghanda siya ng marriage contract, court clearance at ang referral letter na ibinigay namin sa kanya. Isinumite niya ito sa Central International Division at sa opisina mismo ni Commissioner Mison. “Sinubukan ko lang ulit mag-apela dahil noon talagang hindi naman ako napagbigyan. Pagkalipas ng tatlong araw tumawag ako sa Immigration para mag-follow up,” pahayag ni Lizney. Mukha daw malabo na siya’y mapagbigyan ayon sa nakausap niya sa Legal Department. Kailangan na daw isakatuparan ang Summary Deportation Order (SDO). “Nirekomenda niya pa na mag-booking na kami para sa deportation,” ayon kay Lizney.Nawalan na ng pag-asa si Lizney na mapapalaya ang kanyang asawa. Iniisip niya nang kailangan nitong bumalik sa Iran. Makalipas ang dalawang linggo tumawag si Mohammad sa kanya.
“Baby guess what, I received something,” simula ni Mohammad.
“What?” tanong ni Lizney.
“You guess…” sagot ni Mohammad. Ipinagdasal ni Lizney na tama ang kanyang magiging hula. “You are release?” nagdadalawang isip nitong sabi. Mabilis na “Yes” ang itinugon sa kanya ng asawa.
“Tuwang-tuwa ako nun. Hindi ko akalain na mauuna pa siyang makalabas dahil unang nag-apela ang kapatid niyang si Amir,” salaysay ni Lizney. Nang sumunod na mga araw nakita ni Lizney ang ‘Order’ na nag-uutos na makakalabas na ang kanyang mister. Nakasaad dito na naaprubahan ito noong ika-11 ng Hunyo 2014 ngunit natanggap nila nung Hunyo 28, 2014. “May mga kondisyong kasama yun. Kailangang mabayaran lahat ng penalties niya,” sabi ni Lizney. Umabot ng Php104,000 ang nailabas nilang pera. Nagpadala ang pamilya ni Mohammad para maayos ang problema. Inayos na lahat ni Lizney ang mga kailangan hanggang sa makalabas ang kanyang mister noong Hunyo 30, 2014.
“Pati yung temporary resident visa niya inasikaso ko na din. Nag-extend na din kami ng tourist visa,” kwento ni Lizney. Dagdag pa niya ayaw na daw nilang maulit pa ang naging problema ng asawa. Muling nagbalik sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) si Lizney ngunit sa pagkakataong ito kasama na ang asawang si Mohammad. “Marami pong salamat sa tulong ninyo at nakalabas ang asawa ko. Halos isang taon din siyang namalagi sa Immigration Ward,” nakangiting pahayag ni Lizney.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, may kasabihan na ‘Ito ang Batas’ kahit na ito’y mahirap matanggap subalit may mga pagkakataon na kapag ang interpretasyon nito ay maaaring makitaan ng anggulo na pumapabor sa akusado. “It is better to set free ten guilty men than to put one innocent man in jail.” –Voltaire.
Nakakita ng sapat na batayan si Commissioner Mison para payagan na makalabas si Mohammad. Nagpapasalamat kami na itong si Mohammad ay nakalabas na at nasa piling na ng kanyang asawa. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento.
Marahil kaya hindi napagbigyan noon si Lizney ay dahil siya’y nobya pa lamang ni Mohammad. Ngunit nang sila’y ikasal ibang usapan na ito. Sa puntong ito nais naming magpasalamat sa tulong ni Commissioner Siegfred Mison para makalabas si Mohammad at maging ng kanyang kapatid na si Amir.