Unang pampublikong toilet para sa mga aso, itinayo sa Spain
ANG maliit na bayan ng El Vendrell sa hilagang silangan ng Spain ang nagtayo ng kauna-unahang pampublikong toilet para sa mga aso. Ginawa ito upang masolusyunan ang problema sa nagkalat na dumi ng mga aso.
Ang nakaisip na bigyan ang mga aso ng sarili nilang toilet ay si Enric Girona, na mahilig ding mag-alaga ng mga aso.
Sampung taon nang inoobserbahan ni Enric ang kaugalian ng mga aso sa pagdumi at pag-ihi ng mga ito. Ang mga nalaman niya mula sa kanyang pag-oobserba ang naging basehan ng disenyo ng mga toilet na ipinatayo para sa mga aso.
Hindi naiiba ang toilet ng mga aso na ipinatayo ni Enric sa toilet ng mga tao dahil mayroon din itong flush upang masigurado na hindi magkakaroon ng hindi kaaya-ayang amoy kapag ginagamit ito ng mga aso.
Naisip ni Enric ang ideya na magkaroon ng sariling toilet ang mga aso dahil sa laki ng multa sa Spain para sa mga may-alagang aso na mahuhuling hindi naglilinis ng dumi ng kanilang alaga. Umaabot sa 1500 Euros o katumbas ng halos P90,000 ang multa sa mga among magiging pabaya sa dumi ng kanilang mga alaga.
Ngayong may toilet na ang mga aso, hindi na problema kapag inabutan sa pag-ihi o pagdumi ang alaga. Dapat lang nilang siguraduhin kung dudumi o iihi ang kanilang mga alaga sa toilet na inilaan para sa mga ito.
- Latest