KUWENTO ni Nanay, may tsismis daw na kumalat noong araw habang ipinagbubuntis niya ako na “buo” na ako bago pa man ikasal sila ni Tatay. Kumbaga, may “advance deposit” na ang aking tatay sa tiyan ng aking nanay bago sila magpakasal.
Noong araw pa naman, big deal na ang ganoong tsismis. Nakakasira iyon sa reputasyon ng isang babae. Kaya gigil na gigil si Nanay nang makarating sa kanya ang balita. Gustong sugurin ni Nanay ang tsismosong matanda na nagkalat ng tsismis pero naisip niyang ipagpaliban muna. Susugod siya pagkatapos niyang manganak.
February 1960 nang ikasal ang aking mga magulang. November 1960 na iire ako ng aking mother dear. Maliwanag na nabuntis si Nanay pagkatapos silang ikasal. Minsan nagkaroon ng pagkakataon ang aking ina na magparinig sa matanda: “Ang hirap kasi sa ibang tao diyan, ang galing gumawa ng tsismis tungkol sa ibang tao, pero tatanga-tanga naman sa tsismis ng sarili niyang buhay.”
Kalat na kalat na sa buong barangay na ang misis ng matandang tsismoso ay may kinakalantareng ibang lalaki. Hindi malaman kung sadyang tatanga-tanga ang matandang tsismoso kaya hindi niya alam na may ibang lalaki ang kanyang misis o talagang nagtatanga-tangahan lang.
Ito ang magandang halimbawa ng kasabihang: Nakikita ang dumi sa mukha ng ibang tao pero may ipot pala siya sa ulo.