NAGING viral at trending sa mga social networking site partikular sa Facebook ang nangyaring road rage sa kahabaan ng EDSA noong nakaraang buwan.
Nitong nakaraang araw lang ito nabigyan ng atensyon ng publiko at mga awtoridad partikular ang Philippine National Police.
Lunes, nang ipinalabas sa T3 ang aktuwal na bidyo ng road rage kung saan nanutok ng baril ang isang kumag na drayber ng Mercedez Benz sa isang taxi driver.
Personal na pumunta ang pobreng tsuper ng taxi sa aming programang magkakapatid sa studio ng T3 sa TV5.
Dahil malinaw na nakita sa bidyo, natukoy ang plaka ng Benz na ginamit ng kolokoy na drayber.
Habang isinusulat ang kolum na ito, hindi pa rin tiyak ng mga alagad ng batas ang kanyang identidad at mga pagkakakilanlan.
Ayon sa hepe ng Firearms and Explosives Office ng PNP, naghihintay lang sila ng ulat mula sa Quezon City Police District Cubao Police Station na may hurisdiksyon sa pinangyarihan ng insidente.
Malaki raw ang posibilidad na makansela ang gun permit ng putok sa buhong drayber ng Benz sakaling lisensyado ang armas nito.
Sa ganitong estado ng kasong ito, makikita na hindi aktibo at hindi agresibo ang mga awtoridad.
Isang buwan na ang lumipas nang mangyari ito, subalit wala pa rin silang kumpletong mga impormasyon ng hindi pa rin nakikilalang kenkoy na drayber.
Bagamat tukoy na kung anong kumpanya ang nagmamay-ari ng sasakyan na kanyang pinagtatrabahuhan, ayaw naman nilang magbigay ng pahayag sa kaso.
Dapat maglabas ng All Points Bulletin ang PNP sa publiko at ilabas ang mukha ng mandudurong drayber ng mamahaling sasakyan sa telebisyon at mga poster hanggang sa mapilitan itong lumutang dahil sa kahihiyan at upang hindi na pamarisan ng mga sisiga-sigang kulebra sa lansangan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.