EDITORYAL - Walang katapusang pag-angkat ng bigas
A NG Pilipinas ay isang agrikultural na bansa. Lahat nang Pilipino ay alam ito sapagkat mula sa pagkabata, kanin na ang kinakain nang nakararami. Ang nasa kanilang hapag ay kanin. Ang kanin na ito ay mula sa palay na itinanim ng mga magsasaka sa mayamang lupa ng Pilipimas. Palay ang pangunahing pananim sa bansa. Kahit saan magpunta, malawak na palayan ang makikita. Maaamoy ang mabangong butil ng palay kapag malapit nang anihin.
Kaya sa lawak ng taniman ng palay ng bansang ito, nakadidismaya na patuloy pa rin sa pag-angkat ng bigas sa ibang bansa. Nakakahiya na ang inihahain sa hapag ay bigas na galing sa Thailand, Vietnam at China. Nakapanlulumo na sa lawak ng taniman ng palay, kailangan pang umangkat para lamang makakain ang mamamayan. Nakapanghihinayang ang mga lupain na dapat sana ay may tanim na palay para hindi na umangkat ng bigas.
Sa SONA ni President Aquino sa Lunes, ano naman kaya ang sasabihin niya na may kaugnayan sa agrikultura at sa nararanasang pagtaas ng presyo ng bigas. Kamakailan, sinabi ng National Food Authority (NFA) na naghahanda na ang gobyerno sa pag-angkat ng 500,000 tonelada ng bigas. Sa Agosto ay darating na umano ang inangkat na bigas.
Ang bagong pag-angkat ay taliwas sa sinabi ni P-Noy sa kanyang SONA noong Hulyo 22, 2013. Sabi niya, “Ngayong 2013, ang pinakasagad na nating aangkatin, kasama na ang pribadong sektor, ay ang minimum access volume na 350,000 metric tons. Nakapaloob na po dito ang 187,000 metric tons sa reserbang buffer stock sakaling magsunud-sunod ang bagyo; malamang, dahil on-target pa rin tayo sa rice self-sufficiency, hindi na rin kailangan pang mag-angkat ng pribadong sektor. Dagdag pa po diyan, nagsimula na tayong mag-export ng matataas na uri ng bigas. Ang layo na po talaga natin doon sa panahong sinasabing hindi raw natin kayang pakainin ang ating sarili.”
Kailan matatapos ang pag-angkat ng bigas ng bansang ito na mayaman sa lupang sakahan?
- Latest