EDITORYAL - Hanapin pa, mga ‘buwitreng’ rice trader

DAHIL sa matatakaw na buwitreng rice traders kaya nagmahal ang presyo ng bigas. At hindi lamang nagmahal kundi nagkulang pa ang suplay. Natuliro ang sambayanan, lalo ang mga mahihirap sa biglang pagmahal ng bigas.

Nadiskubre ng mga awtoridad ang ginagawa ng mga buwitreng rice trader sa Bulacan. Sa isang bodega sa Malolos, huling-huli sa akto na nire-repacked ang mga bigas na galing sa National Food Authority (NFA). Inilalagay ng mga tauhan ng rice traders sa mga sakong pang-commercial ang mga bigas ng NFA. Nakakumpiska ng 32,000 sako ng bigas sa bodega ng Purefeeds Corp. sa Bgy. Tikay. Ang bodega umano ay kayang maglaman ng 60,000 sako. Ang nakaka-baliktad-sikmura pang ginagawa ng mga tauhan ng Purefeeds, hinahaluan nila ng binilid ang mga sako. Ang binilid ay durog at maliliit na butil ng bigas na ipinampapatuka sa manok at pinakakain sa baboy.

Naaresto ang buwitreng may-ari ng Purefeeds at sabi ni DILG sec. Mar Roxas, na kakanselahin ang lisensiya nito. Ayon kay Roxas, maaaring marami nang bigas na may halong binilid ang binibenta na sa mga palengke sa Metro Manila at mga kalapit probinsiya. At sa kabila na may halong binilid, binibenta ito sa mataas na presyo na lubhang malayo sa presyong pang-NFA.

Marami pang bodega ng bigas ang sinalakay sa Bulacan, at napatunayang ang mga talaksan ng bigas na naroon ay galing sa NFA. Patuloy na niloloko ang taumbayan sapagkat pinaniniwalaang commercial rice ang kanilang binibenta. Hindi na nakapagtataka kung bakit may mabibiling mahal na bigas subalit mababa ang kalidad at maraming binilid.

Tiyak na may kasabwat ang buwitreng rice traders sa mga “hayok na buwaya” sa NFA. Papaano makaka­paglabas ng daang sako ng bigas mula sa NFA ang mga buwitre kung wala silang kakutsabang buwaya roon. Nagawa na nina Roxas ang pagsalakay sa mga pugad ng buwitre, ipagpatuloy pa ang paghahanap sa marami pang nagpapahirap sa mamamayan. Tukuyin na rin ang mga “buwaya” sa NFA at lambatin na ang mga ito.

 

Show comments