MABILIS ang Bureau of Customs (BOC) sa pagsasampa ng kaso laban sa garlic smugglers. Makaraang masabat ang P30-milyong shipment ng bawang sa Batangas City noong Hunyo 1 at 10, agad sinampahan ng kasong illegal importation ang trader na si Aiza Cita Salise ng Cagayan de Oro City at broker na si Antonio Castro. Ayon sa BOC, ipinasok sa bansa ang apat na 40-foot containers na naglalaman ng mga bawang. Naka-packed ang mga bawang ng tig-10 kilos bawat bag. Galing Hong Kong ang bawang. Umano’y dineklarang mga chocolate ang kargamento.
Ang pagkakadiskubre sa kontrabando ay kasunod nang biglang pagtaas sa presyo ng bawang na umabot sa 213 per cent. Maraming nahimatay lalo ang mga may restaurant sa napakamahal na bawang. Apektado ang kanilang negosyo sa naging presyo ng bawang na parang “ginto”. Mula sa P60 ang kilo naging P400 ang kilo. Susmarya! Ayon sa mga awtoridad itinago ang bawang ng mga buwitreng negosyante kaya biglang tumaas ang presyo. Nagkulang sa suplay kaya marami ang nagpanic lalo ang may restaurant business. Mabuti naman at may nahuling smuggler ng bawang.
Ang pagtaas ng presyo ng bawang ay sumabay sa pagtaas ng presyo ng bigas na umabot sa P2 ang dinagdag at wala pang mabili. Iyon pala, maraming buwitreng rice traders ang gumagawa ng kabuktutan kaya nagtaas ang presyo. Itinago rin ang bigas sa mga bodega at ang masaklap ang nagre-repacked sila ng mga bigas mula sa NFA at pinalalabas na commercial rice ito. Ibinibenta ng mga buwitreng negosyante sa mataas na presyo. Nahuli ang mga matatakaw na buwitre.
Tanong ngayon, nahuli na ng Customs ang bawang smugglers, kailan naman kaya masasakote ang rice smugglers? Sila ang dapat mahuli sapagkat pinapatay nila ang mga local na magsasaka.