Uok (208)

SA ipinagawang mala­king building idinaos ang salusalo bilang handog sa pagtatapos nina Drew at Gab sa kolehiyo na nagkataon din naman birthday ni Sir Basil alyas Uok. Napakaraming pagkain. Dalawang ca­terers ang nagsilbi. Halos imbitado ang buong ba­rangay. Pabalik-balik ang mga tao sa pagkuha ng pagkain pero okey lang kina Gab at Drew. Talagang ganoon ang naghahanda, kailangang busugin ang lahat. Karamihan ay mahihirap sa barangay ang nagpunta. Hanggang sa mabusog lahat. Nasarapan at nasiyahan ang lahat. Nang mag-alas nuwebe ng gabi ay wala nang dumating na tao pero marami pa ring pagkain.

Kaya naman nagkaroon nang pagkakataon sina Basil at Iluminado na magkausap nang todo.

“Akalain mo bang ma­gi­ging magkaibigan tayo Basil. Pero di ba dati na tayong magkakilala noon pa dahil madalas ka sa aming bahay. Magkasama lagi kayo ni Renato­.’’

“Oo. Noon pa talagang magkakilala na tayo. Kaya nga gusto kitang maging kaibigan.’’

“Patawad sa mga nagawa ko, Basil. Nagkamali ako. Akala ko kasi, ikaw ang nagsimula nang lahat. Iyon pala ay si Luningning ang may kasalanan.’’

“Kalimutan na natin iyon, Pareng Nado. Talagang ganyan ang buhay, Pare.’’

“Pero mayroon pang isang lihim na naibunyag sa akin si Renato bago ang pagpapakamatay niya.’’

“Ano yun, Pareng Nado?”

“Bakla ang ka­patid ko at siguro, baka gusto rin niyang magkaanak ang asawa sa pamamagitan mo. Kaya lang hindi niya kinaya sa dakong huli at ang naisip ay magpakamatay.’’

Gimbal si Basil. Kaya pala ganoon na lamang kabait sa kanya. Gusto pala ni Renato, magkaanak sa pamamagitan niya. Hanggang napaluha si Basil.

“Kalimutan na natin ang lahat, Pareng Basil.”

 “Sige Pareng Nado. Uminom tayo. Magsaya tayo! Magdiwang tayo sa pagkakaibigan natin!”

 

KINABUKASAN, ipinakita ni Iluminado kay Basil ang mga Uokcoco. Mangha si Basil sa mga nakitang Uokcoco na nasa bagong container na lalagyan.

(Itutuloy)

Show comments