Aprubado na ng Metro Manila Council ang pagtataas ng multa sa mga mahuhuling jaywalkers.
Mula sa dating P200, magiging P500 na ang multa at tatlong oras na community service ang magiging parusa sa mga pedestrian na lalabag sa Anti-Jaywalking campaign ng MMDA.
Nagkasundo ang MMC dahil na rin sa nakakaalarmang paglobo ng bilang ng mga aksidente na ang dahilan ay ang pagtawid sa hindi tamang tawiran.
Marami na ang ‘buwis-buhay’ dahil sa ganitong pagsuway.
Panahon na rin para maging ang mga pedestrian ay matutukan at idisiplina sa mga dapat na gawi sa lansangan.
Talaga namang marami ng pasaway na madalas nga ay nakikipagpatentero pa sa mga sasakyan.
Aba’y sa rekord pala ng MMDA may 500 tao ang namamartay kada taon dahil sa pagtawid sa hindi dapat na tawiran.
Kung ang mga mataas na multa at matinding parusa ang maipapatupad, mula sa mga driver, motorista at maging sa mga pedestrian, naku, sigurado magiging maayos ang mga lansangan.
Pansin nyo ba na nang itaas ang multa sa mga mahuhuling lalabag sa batas trapiko, kasama na rito ang mga mahuhuling kolorum, kahit paano ay naramdaman ang pagluluwag sa ilang lansangan.
Ngayong mga pedestrian naman ang tututukan para madisiplina, pihadong mababawasan talaga ang problema o mga aksidente sa lansangan.
Dapat nga lang talaga may ngipin hindi lang ang batas kundi pati kung paano ito ipapatupad.
Nakakapagtaka lang naman kasi, kung tutuusin kaya talagang maipatupad ang disiplina.
Bakit sa Subic, may mga batas trapiko doon na kayang sundin ng mga motorista. Kung nagagawa doon, bakit hindi kaya magawa sa Metro Manila?