PATULOY na tumataas ang krimen sa bansa at mas lumala ang sitwasyon sa Metro Manila.
Ayon sa PNP, normal lang daw na tumaas ang bilang ng krimen dahil sa sistemang ipinaiiral kung saan ay lahat ng krimen maging ang mga maliliit na kaso ay inirereport na sa pulisya.
Totoong marami rin namang nalulutas na krimen ang PNP sa ilalim ng pamumuno ni PNP chief Director General Allan Purisima kabilang na ang mga tinaguriang high profile cases sa pangunguna na pagkakaaresto sa pumatay sa hotel chain owner sa Davao.
Pero hindi ito sapat upang kumalma ang taumbayan sa na-kababahalang pagtaas ng krimen sa bansa lalo sa Metro Manila.
Napapanahon na upang bigyan ng konsiderasyon o pansin ang panukalang bumuo rin ng local police sa bawat siyudad.
Ito ay ginawa na bago pa man ideklara ang martial law at napatunayan na mabisa sa pagpigil o paglutas ng krimen.
Ayon nga sa panukala ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza na sinusuportaham din ng Volunteers Against Crime and Corruptions (VACC) na bukod sa PNP ay magtatag din ng local police na ang may direktang kontrol ay mga lokal na opisyal.
Mas magiging madali kasi sa local police dahil sila mismo ay kasama sa komunidad at kilala nila kung sino ang may record ng kriminal sa kanilang lugar.
At malayang makakadiskarte mismo ang mga lokal na opisyal para makontrol ang anumang krimen sa kanilang lugar.
Hindi na rin dapat pangambahan na posibleng magsilbing private army ng mga lokal na opisyal ang local police dahil naiiba na ang panahon ngayon.
Kapag may umabusong lokal na opisyal ay malaya ang publiko na ito ay maisiwalat sa pamamagitan ng social media na maaring mabilis na maaksyunan ng national government.
Sa mga tutol dito ay maaring subukan muna at kung ito nga ay magiging mabisa para masugpo ang krimen.
Sana ay mapag-aralan ito ng Malacañang at maihabol sa SONA ni President Noynoy Aquino sa Hulyo 28 at pormal na hilingin sa Kongreso na amyendahan ang Local Government Code at PNP law.