‘Panawagan ng mga kapatid nating Muslim ngayong pagbubukas ng Ramadan’
MALAKING problema ang kinakaharap ng mga kababayan nating Muslim sa probinsya ng Lanao del Sur ngayong Sabado, a-Bente Otso ng Hunyo – unang araw ng banal na buwan ng Ramadan.
Maliban sa Marawi City na sentrong bayan ng Lanao del Sur na nabigyan ng supply ng kuryente, tatlumpu’t-tatlong bayan pa rin ang nagdudusa sa kadiliman tuwing sasapit ang gabi.
Bukod sa petition letter ng mga mayor ng bayan ng Lanao del Sur, sumbong ng ilang residenteng personal na nakausap ng BITAG, nakaraang taon pa walang kuryente sa kanilang probinsya.
Matapos umanong mabayaran ang kanilang pagkakautang sa Lanao del Sur Electric Cooperative, Inc. o LASURECO, hindi pa rin naibalik ang pailaw sa malaking bahagi ng probinsya. Sumbong pa ng mga residente, patuloy pa umano ang paniningil sa kanila ng General Manager ng LASURECO na si Sultan Ashary Maongco.
Pero wala umanong malinaw na basehan ang paniningil ng General Manager ng LASURECO dahil wala namang metro ang mga bahay at “pakyaw” system ang pinapairal ng kooperatiba.
Ang malaking katanungan, hindi umano sa proyektong pailaw, kundi sa “rehabilitation” o pagpapaganda ng opisina ng LASURECO napupunta ang malaking pera ng kooperatiba.
Panay din umano ang paglo-loan ng LASURECO para sa iba’t ibang proyektong hindi naman nararamdaman ng mga residente.
Iisa lamang ang batayan ng BITAG para sa kahit anong uring proyekto o serbisyo, pribado man o pang-gobyerno. Kapag nakikita at nararamdaman ng mga tao ang resulta ng trabaho, epektibo ang proyekto.
Pero sa kaso ng LASURECO at ni General Manager Maongco, kitang-kita at ramdam ng mga residente ng Lanao del Sur ang kawalan ng kuryente.
Malaking katanungan ngayong araw kung paano ipagdiriwang ng mga kapatid nating Maranaw ang unang gabi ng banal na buwan ng Ramadan.
Kwento ng ilang kapatid nating Maranaw sa BITAG, ginagawa nilang gabi ang araw at araw ang gabi tuwing Ramadan. Mala-piyesta rin tuwing gabi sa mga probinsya at bayan sa Mindanao tuwing Ramadan. Dahil nag-aayuno at nagdarasal buong araw, sa gabi hanggang madaling-araw daw sila naghahanda at kumakain.
Ang kanilang panawagan na hindi mapagbibigyan ng pamunuan ng LASURECO at ni GM Maongco, pansamantalang pailawan ang buong probinsya kahit sa gabi lamang, alang-alang sa banal na buwan ng Ramadan.
Panoorin ang advance screening ng kawalang kuryente at isang taon ng kalbaryo ng mga residente sa Lanao del Sur mamayang alas-6:00 ng gabi sa bitagtheoroginal.com.
- Latest