EDITORYAL - Kaunting ulan baha agad!
WALA pang bagyo at ang nararanasang pag-ulan sa dakong hapon o gabi ay dulot lamang ng habagat. Pero nang umulan noong Huwebes ng hapon sa maikling oras, maraming kalsada sa Metro Manila ang nagmistulang dagat. Dahil sa pagbaha, maraming na-stranded na pasahero. Walang makabiyahe sapagkat hanggang baywang ang baha lalo na sa Buendia Ave., Makati City. Sa EDSA-Shaw Blvd. underpass ay bumaha rin. Ang Pasong Tamo Ext. sa Makati City ay hindi madaanan. Nagkaroon din ng pagbaha sa Taft Avenue, Manila at sa A. Bonifacio cor. Retiro St. sa Quezon City.
Dahil nagdulot nang mabigat na trapik ang baha, pati si President Noynoy Aquino ay nabiktima. Naatrasado siya sa pagtungo sa isang speaking engagement sa isang hotel sa Makati. Dahil hindi umuusad ang mga sasakyan, maraming pasahero ang nagpasyang maglakad na lamang.
Wala pang 30 minutos ang pag-ulan noong Huwebes pero grabe na ang idinulot na pagbaha. Paano pa kung bagyo na ang nanalasa? Baka maulit ang “Ondoy” na lumubog ang Metro Manila.
Tiyak na barado ang mga daluyan ng tubig kaya may pagbaha. Kung malinis ang mga drainage, tiyak na tuluy-tuloy ang tubig at hindi aapaw. Naniniwala kaming maraming plastic na supot, sirang sako, styro, at kung anu-ano pang basurang hindi nabubulok ang nakabara.
Iisa lamang ang ibig sabihin nito. Hindi ganap ang pagmamantini ng DPWH sa mga drainage at estero. Maraming barado. Wala pa ring pagbabago. Baha pa rin ang tatamasahin ng mamamayan. Kailan masosolusyunan ang problemang ito?
- Latest