Brazil, ‘inulan’ ng mga gagamba

ISANG bayan sa Brazil ang “inulan” nang napakaraming gagamba. Nakasabit ang mga ito sa kawad ng kuryente.

Ang “pag-ulan” ng mga gagamba ay nangyari sa Santo Antonio da Platina, isang bayan na may layong 400 kilometro mula Sao Paolo. Ang kakaibang pangyayari ay nakuhanan ng video ni Erick Reis, isang 20 taong-gulang na web designer, na kakaga-ling lang noon mula sa isang salo-salo kasama ang mga kaibigan.

Ayon kay Erick, ngayon lang siya nakakita nang napakara-ming gagamba na sama-samang nakasabit sa kanilang mga sapot. Hindi rin pangkaraniwan ang mga gagambang nakita niya dahil napakalilikot ng mga ito. Taas-baba kasi ang mga gagamba sa video na nakuha ni Erick kaya animo’y umuulan nga ng gagamba sa kanilang lugar.

Ayon sa mga eksperto sa gagamba, ang mga nakita ni Erick ay isang uri ng gagamba na may scientific name na Anelosimus eximius. Kakaiba ang uring ito ng gagamba dahil hindi katulad ng halos lahat ng ibang uri ng gagamba na mga namumuhay mag-isa. Ang Anelosimus eximius  ay namumuhay ng sasama-sama katulad ng mga langgam at ng mga bubuyog. Dahil marami sila, madalas silang nakakagawa ng napakalawak na mga sapot upang makahuli nang marami at mas malalaking insekto na kanilang kakainin.

Ang ginagawang sapot ng mga gagambang ito ang dahilan kung bakit madalas silang mapadpad sa ibang lugar. Madali kasi silang matangay ng malalakas na hangin dahil sa lawak ng kanilang mga sapot. Kaya naman ito ang tinitingnan na maaring paliwanag kung bakit bigla na lang inulan ng mga nasabing gagamba ang bayan ni Erick.

Show comments