NARARAPAT kumilos ang BIR na imbestigahan ang 12 contractors na nakakopo ng P16.9 billion public works projects sa nakaraang admiÂnistrasyon.
Ayon kay COA chairperson Grace Pulido Tan, nagsagawa ng audit at pag-iimbestiga ang kanilang tanggapan batay sa kahilingan ni DPWH secretary Rogelio Singson at lumitaw ang 12 contractors na nakadagit ng bilyong pisong halaga ng proyekto mula 2009 at 2010.
Importante ang usaping ito dahil hindi lang dapat habulin ng gobyerno ang mga senador, kongresista at iba pang umano’y kasabwat nito sa pagmamaniobra sa PDAF kundi siyasatin din ang contractors na nakinabang sa mga proyekto ng gobyerno. Kailangang tiyakin para masampahan ng kaso ang contractors.
Ayon sa COA, ang 12 contractors ay pinangungunahan ng E. Gardiola Construction, Antonio V. Nidea Construction, Sunwest Construction and Development, DSB Construction, Algimar Construction, Hi-tone, Ritz Commercial at LMG Construction.
Tiyakin ng BIR kung nagbayad ng tamang buwis ang mga construction firm na nabanggit. Alamin din ang mga ari-arian ng mga nasabing contractors na baka naman nagsiyaman nang husto ang mga ito mula sa mababang proyekto na ibinigay sa gobyerno.
Ayon sa pagsisiyasat ng COA, maraming kapalpakan ang nangyari sa proyektong hinawakan ng mga contractor at tingnan din kung sino ang mga kasabwat sa DPWH upang mapanagot din sa batas.
May mga ulat lalong nagsiyaman ang mga contractor at ang ilan ay napabalitang kahit sa ilalim ng Aquino administration ay nakakuha ng proyekto.
Isang buhos na ang gawing paglilinis sa gobyerno hindi lamang ang mga lumustay sa PDAF at Malampaya funds kundi pati ang mga nakakuha ng kontrata sa gobyerno na bilyon ang halaga.