PARA sa mga mahilig lumangoy at sumisid sa dagat, importante ang paggamit ng goggles. Hindi kasi idinesenyo para gamitin sa ilalim ng tubig ang mata ng tao kaya natural na magiging malabo ang paningin kapag walang goggles.
Ngunit para sa mga miyembro ng tribung Moken sa Thailand, hindi problema ang hindi pagsusuot ng goggles kapag sila ay sumisisid dahil hindi lumalabo ang kanilang paningin kapag nasa ilalim ng dagat.
Ang tribung Moken ay nabubuhay sa panghuhuli ng mga lamandagat kaya sila ay sanay na sanay na sa paglangoy at pagsisid kung saan nila kinukuha ang kanilang kakainin. Sa loob ng mahabang panahon nilang pamumuhay sa dagat, nagbago na rin ang kanilang katawan upang umayon sa kanilang mga nakagawian.
Ang pagbabagong ito sa kanilang katawan ay ang pagkakaroon nila ng mga mata na kayang makakita nang malinaw sa tubig.
Masusing pinag-aralan ng mga siyentista ang mata ng tribung Moken upang maipaliwanag kung paano nila nagagawang magkaroon ng malinaw na paningin sa ilalim ng tubig. Sinuri ng mga siyentista ang mata ng mga bata sa tribung Moken at ikinumpara ito sa mata ng mga anak ng turista sa Thailand.
Napag-alaman ng mga siyentista na ang sikreto ng mga miyembro ng tribo ng Moken ay nasa kanilang mga pupil o sa pinakabutas ng kanilang mga mata. Sa halip kasi na lumaki ang butas ng kanilang mga mata kapag nasa ilalim ng tubig, mas lalo pang lumiliit ang kanilang pupil na nagreresulta sa pagkakaroon nila nang malinaw na paningin.
Naniniwala ang mga siyentista na puwedeng matutunan ang kakayahan ng mga taga-tribung Moken. Sa katunayan, nagsasanay na sila ng mga batang manlalangoy upang malaman kung posible ngang masanay ang pagkakaroon ng malinaw na paningin sa ilalim ng tubig. Kung sakaling maging matagumpay ang kanilang isinasagawang pagsasanay, sigurado silang magiging daan ito upang ang lahat ng mga tao ay magkaroon ng kakayahan na katulad ng sa tribung Moken.