HINDI agad nakasagot si Drew sa tanong ni Tiyo Iluminado. Nasaan daw ang hayop na si Uok? Sa himig ng pananalita ni Tiyo Iluminado ay galit na galit pa rin ito kay Uok. Mukhang wala nang makapagpapawala sa galit nito.
Napansin pala ni Tiya EnÂcarnacion ang galit na boses ni Tiyo Iluminado. Marahan itong nagpaalala sa asawa, ‘‘Kumain ka muna Nado at mamaya na ang kuwentuhan. Baka masira lamang ang gana mo sa pagkain. At saka igalang natin ang grasya ng Diyos.’’
Nakangiti si Tiyo Iluminado nang magsalita.
‘‘Pasensiya na, natangay lang ako ng simbuyo ng galit sa taong iyon.’’
‘‘Mamaya na kayo magkuÂwentuhan. Kumain lang muna kayo nang kumain.’’
‘‘Sige Drew, kain lang nang kain. Mamaya, uminom tayo ng dala mong imported.â€
“Paiinumin mo si Drew e hindi ‘yan umiinom.’’
“Iinom yan kahit kaunti. Di ba Drew?’’
Tumango si Drew.
Ipinagpatuloy nila ang pagÂkain. Napakasarap ng adobong dumalaga.
Matapos kumain, nagkuwentuhan sa balkonahe sina Drew at Tiyo Iluminado.
“Nobya mo na pala ang anak ni Uok, Drew?’’
‘‘Opo.’’
‘‘Paano nangyari?’’
‘‘Dahil sa kuwintas na napulot mo, Tiyo. Hinanap ko si Gab at ibinigay ang kuwintas. Napakabuti at napakabait niya Tiyo.’’
“Pero anak siya ni Uok. Hindi ko malilimutan ang ginawa ni Uok sa aking kapatid na si Renato. Nagpakamatay si Renato dahil sa ginawa niya. Inahas niya ang asawa ni Renato.’’
“Tiyo Iluminado, ikinuwento po sa akin ni Basil este Uok na si Luningning ang nagpakita ng motibo sa kanya. Inakit po siya ni Lu-ningning. Maraming beses po. Nang malasing po si Basil o Uok, nalaman na lamang niya na nasa kanyang silid si Lu-ningning at may ginagawa ito sa kanya. Hanggang sa hindi na makaiwas si Basil o Uok.’’
Napakunot-noo si Tiyo Iluminado.
‘‘Sabi po ni Uok, gusto niyang makipagkaibigan sa’yo. Tapusin na raw po ninyo ang pag-aaway. Hindi raw kayo dapat magpatayan.’’
Hindi makapagsalita si Tiyo Iluminado.
Nag-iisip.
Hanggang sabihin nito, “Parang hindi ako makapaniwala…’’ at saka umiling-iling.
Nakatitig lang si Drew.
KINABUKASAN, dumungaw si Drew sa bintana. Nagulat siya nang makita na malinis na ang loteng pag-aari ni Basil (Uok). May bakod na rin ito. Hanggang maalala ni Drew ang nangyari noon. Mula sa bintanang dinurungawan niya ngayon ay nakita niya ang babaing naliligo sa batalan na walang iba kundi si Gab. Ang sarap alalahanin ng kahapon.
(Itutuloy)