BALIK-ESKWELA ngayon ang maraming mag-aaral.
Malaki ang inaasahan partikular ng mga magulang sa mga pangasiwaan ng mga paaralan at maging sa ating kapulisan para mabigyang seguridad ang magsisipasok muli na mga mag-aaral.
Gaya nang dati, siguradong sasalabungin na naman ang mga mag-aaral ng maraming mga problema.
Ito ang taun-taon nang nararanasan, pero mukhang hindi pa rin natututunan na maagang mabigyang solusyon.
Kabilang na diyan ang kakapusan ng mga silid-aralan.
Ang kakulangan sa mga kagamitan sa mga paaralan at ang magulong sistema na palagi na lang na idinadaing ng mga mag-aaral.
Titingnan natin ngayon ang sinasabing ginawa at ginagawang paghahanda ng pamahalaan para bigyang kalutasan ang ganitong mga suliranin.
Hindi lang ang kahandaan ng mga pangasiwaan ng mga paaralan ang ating tututukan kundi maging ang paghahanda na ginawa ng kapulisan para maprotektahan ang mga mag-aaral.
Siguradong nagkalat na naman sa mga lansangan ang mga kawatan na ang target ay ang mga estudyante.
Tataas na naman ang mga petty crimes, kaya nga kailangan ang malakas na police visibility na magbabantay sa paligid ng mga paaralan.
Marami ang maaaring muling manamantala sa loob at labas ng mga paaralan, kaya kailangan ang mahigpit na pagbabantay.
Sa loob, nandyan ang mga mahilig mang-bully, sa labas naman nandyan ang mga kawatan na laging nakaabang at anumang oras ay maaaring sumalakay.
Kaya nga laging paalala ng inyong Responde, lalu na sa mga estudyante na maging vigilant at mapagmasid sa kanilang paligid.
Maligayang pagbabalik eskwela, at good luck na rin sa mga sasalubong sa inyong mga problema sa eskwela.