Anti-political dynasty bill

SANA naman, gumawa ng makasaysayang batas ang mga senador at kongresista upang mabawasan naman ang pagkainis ng taumbayan sa ating maraming mambabatas lalo na ang mga nadadawit sa pagnanakaw ng pondo ng bayan.

Umusad nang bahagya sa Kongreso ang anti-dynasty bill at posibleng maisalang na rin sa plenaryo para sa debate. Sa Senado naman ay isang pagdinig na lamang ang isasagawa at maaring ito ay mapag-usapan na rin para sa debate.

Napapanahon ang panukalang batas na ito na mapagtibay dahil sa sumasamang imahe ng mga senador at kongresista dahil sa pagkakabunyag ng anomalya sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Matapos ang mahigit 27 taon, ngayon lang umusad ang anti-dynasty bill upang malimitahan ang pagkakaupo sa puwesto ng magkakamag-anak. Isang halimbawa ay si Vice President Jejomar Binay na may anak na senador, kongresista at mayor na para bang lahat ng puwesto sa gobyerno ay nais okupahin. Pero kung mapagtitibay ang anti-dynasty bil, hindi na puwedeng magkakasabay ang mga magkakamag-anak mula sa ama, ina, anak at mga kapatid.

Papaano na halimbawa ay maging President si VP Binay samantalang si Sen. Nancy Binay ay hiranging Senate president, maging House Speaker si Congresswoman Abigail Binay at si Mayor Junjun Binay ay president din ng Mayor’s league.

Para bang isang pamilya na lang ang magpapatakbo ng bansa at ang buhay ng mga Pilipino  ay nakasalalay sa magkakamag-anak na pamilya.

Bukod kay Binay, marami pang ganitong sitwasyon lalo na sa mga probinsiya na mula gobernador, mayor at kongresista ay magkakamag-anak ang nakaposisyon.

Inaasahan ng lahat na pagtitibayin ang anti-dynasty bill na ito at magpapakitang gilas ang mga senador at kongresista.

Huwag naman sanang humantong na humina ang panukalang batas na ito. Kapag nakalusot ang anti-dynasty bill at na-ging ganap na batas gayundin ang naka-pending na FOI bill ay tiyak na makakabawas ito sa galit ng taumbayan at makakaba-ngon ang Kongreso at Senado na nadungisan ng PDAF scam.

 

Show comments