Lumikha nang matinding takot sa marami nating kababayan ang naganap na pamamaril ng tandem kamakailan sa lungsod Quezon, kung saan lima katao ang nasawi.
Dahil nga rito, muling uminit ang ibat-ibang panukala tungkol sa mga riding in tandem na suspect.
Hindi nga ba’t ang motorsiklo ngayon ang pangunahing gamit ng mga elementong kriminal sa kanilang mga operasyon.
Hindi lang sa holdap, nakawan , kundi maging sa mga insidente na rin nang pagpaslang.
Talagang matindi ang problema sa mga kawatang ito, na nagiging madulas dahil nga sa madali ang kanilang nagiging pagtakas matapos silang makapagsagawa ng krimen.
Ang siste pa, marami sa mga motorsiklo sa kasalukuyan ang madalas na masumpungang ‘for registration’ pa lamang o yung iba sadyang inaalis ang plaka.
Kung sa lungsod Quezon, sinasabing ang trigger happy na namaril nang sunud-sunod eh tandem, ito rin ang naging problema sa lungsod ng Caloocan.
Dahil motorsiklo rin ang gamit ng suspect o suspects na sunud-sunod ring pamamaslang sa mga opisyal ng barangay sa lungsod.
Mukhang malaki talagang problema ito lalu na sa pulisya.
Kung pwede nga lang talaga, tuluyan nang ipagbawal ang tandem o angkas sa motor.
Napakahirap pa namang makilala ang mga ito kahit makunan ng CCTV dahil sa mga suot na helmet.
Dapat magkaroon talaga ng pantapat na operatiba ang pulisya na tututok sa mga riding in tandem na kriminal o kawatan.
Hindi lang namamalayan, parami na ito nang parami at kumakalat na sa lansangan.