9-anyos na bata, naakyat ang isa sa pinakamataas na bundok sa mundo

ANG bundok ng Aconcagua sa Argentina ang isa sa pinakamataas na bundok sa mundo. May taas itong 22,841 talampakan. Sa kabila na napakataas, nagawa itong akyatin ng siyam na taong gulang na bata mula sa California at hinirang na pinakabatang mountaineer sa kasaysayan.

Ang bata ay si Tyler Armstrong. Naakyat niya ang bundok Aconcagua kasama ang kanyang ama at isang Sherpa mula sa Tibet. Nagsanay ng isang taon at kalahati si Tyler para sa pag-akyat ng Aconcagua dahil hindi biro ang pagla­lakbay sa tuktok nito. Bukod sa 30 porsiyento lamang ang nagtatagumpay na maabot ang tuktok ng Aconcagua, nasa 100 mountaineers na rin ang namamatay sa pagtatangkang akyatin ito. Sinigurado ni Tyler pati ng kanyang mga magulang na handa ang mura niyang katawan sa paglalakbay sa nagyeyelong temperatura ng nasabing bundok.

Dahil  sa sobrang bata, hindi kaagad pinayagang umakyat ng bundok si Tyler ng mga kinauukulan sa Argentina. Mga mountaineer na 14 na taon pataas lang ang puwedeng umakyat ng Aconcagua ayon sa mga patakaran doon kaya kinailangang kumuha ng mga magulang ni Tyler ng pahintulot mula sa isang hukom sa Argentina  bago maipagpatuloy ni Tyler ang pag-akyat.

Matapos makuha ang permit ay sinimulan na ni Tyler ang paglalakbay sa tuktok ng Aconcagua. Dahil ilang matataas na bundok na rin sa US ang kanyang naakyat, hindi masyadong nahirapan si Tyler sa paglalakbay. Sa katunayan, ang ama pa niya ang gustong sumuko sa kanilang pag-akyat nang narating na nila ang taas na 20,000 na talampakan. Siya pa ang kumumbinsi sa ama na ituloy nila ang pag-akyat hanggang sa tuktok.

Nang maabot ni Tyler ang pinakamataas na parte ng Aconcagua, naagaw niya ang world record na pinakabatang nakarating sa tuktok ng Aconcagua. Ang dating may hawak ng record ay isang batang lalaki mula US na naabot ang tuktok ng Aconcagua noong 2008.

Planong sunod na akyatin ni Tyler ang Mt. Mckinley sa Alaska na pinakamataas sa buong US. Ngunit dahil naubos ang pera ng kanyang pamilya sa ginawa niyang pag-akyat sa Aconcagua ay naghihintay pa siya ng mga maaring mag-sponsor.

Show comments