NAMANGHA ang mga doktor sa Canada sa pagkabuhay ng isang sanggol matapos itong manigas sa nagyeyelong temperatura sa labas ng kanilang bahay.
Ang sanggol ay si Erika Nordby. Nangyari ang insidente noong 2001 at 13 buwan na sanggol pa lamang si Erika. Dahil sira ang pinto ng kanilang tahanan, nagawa ni Erika na gumapang palabas ng bahay. Pebrero noon kaya napakalamig ng panahon dahil sa pag-ulan ng niyebe. Hindi napansin ng kanyang mga magulang ang paglabas ni Erika kaya nang siya ay matagpuan sa kanilang bakuran ay tatlong oras na siyang nakalantad sa temperaturang umabot sa negative 20 centigrade.
Tumawag agad ng ambulansya ang kanyang ina. Kaagad namang rumesponde ang mga paramedic ngunit naninigas na ang katawan ng sanggol nang sila ay dumating. Sa sobrang tigas ng katawan ni Erika, hindi na nila maibuka ang bibig nito upang maipasok ang tubo para sa oxygen. Pagdating nila sa ospital, hindi na rin tumitibok ang puso ni Erika sa loob ng dalawang oras.
Kung sa ibang doctor, baka ideklarang patay na ang sanggol dahil wala nang tibok ang puso pero hindi nawalan ng pag-asa ang mga doktor na sumuri kay Erika. Sa halip na idiretso ang nagyeyelong katawan sa morge, kinumutan siya ng mga doktor sa pagbabakasakaling bumalik ang init sa kanyang katawan.
Himalang bumalik ang pagtibok ng puso ng sanggol ilang sandali pagkatapos kumutan. Unti-unting bumalik sa pagkabuhay si Erika at pagkatapos lamang ng ilang araw ay magaling na siya na parang walang nangyari. Namangha ang mga doctor sa lubusang paggaling ni Erika dahil hindi naapektuhan ang kanyang katawan sa kabila ng nanigas itong parang yelo.
Ayon sa mga doktor, maa-ring nakaligtas si Erika dahil kusang bumababa ang kinakailangang hangin at enerhiya ng katawan kapag bumababa ang temperatura. Sa sobrang lamig, hindi kinailangan ng kanyang organs ang maraming oxygen kaya hindi napinsala ang mga ito nang siya ay nawalan ng malay.
Ngayon ay 14-anyos na si EriÂka. Nakilala siya sa buong CaÂnada dahil sa nangyari at isang kanta ang ginawa tungkol sa kanya dahil sa himala niyang pagkaligtas.