Pagtaas ng matrikula, silipin ng gobyerno

BAKA naman nalilibang ang mga opisyal ng gobyerno gayundin ang mga senador at kongresista sa napakaraming isyu ngayon sa ating bansa sa pangunguna ng kontrobersiyal na listahan umano ni Janet Lim Napoles sa mga sinasabing posibleng nakinabang sa pork barrel funds.

Bukambibig ngayon ng mga senador at kongresista gayundin ang nakararaming opisyal ng gobyerno ay kung sinu-sino ba ang talagang nasa listahan o binansagang “napolist”  na umanoy tumanggap ng kickback mula sa PDAF.

Sa pinakahuling balita, nagdesisyon na ang senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Sen. Teofisto “TG” Guingona na ipa-subpoena ang listahan ni Napoles sa pamamagitan ng pagsusumite nito ni Justice secretary Leila de Lima kabilang ang affidavit ng binansagang pork barrel queen.

Asahan na lalo pang magiging abala ang mga senador at kongresista gayundin ang ilang opisyal ng gobyerno na nababanggit sa Napoles list dahil tiyak na kanya-kanyang depensa ang mga ito sa publiko.

Pero ni isa man ay tila walang pumapansin sa mahigit sa 300 unibersidad at kolehiyo ang nagnanais na magtaas ng matrikula ngayong pasukan na isang matinding kalbaryo na naman sa mga estudyante lalo na sa mga magulang at iba pang nagpapaaral.

Taun-taon na lang ay nagtatas ng matrikula ang napakaraming unibersidad at kolehiyo pero kung sisilipin ay hindi naman bumubuti ang serbisyo ng mga ito. Sa katunayan, napakaraming unibersidad at kolehiyo ang patuloy na bumababa ang kalidad ng kanilang edukasyon sa katunayan ay marami ang hindi nakakapasa sa licensure examinations at nauuwi sa wala ang mga nagsipagtapos ng kurso.

Nasaan na ba ang mga opisyal ng gobyerno na dapat ay nagbabantay sa mga ganitong sitwasyon lalo na sa pagtataas ng matrikula?

Hindi dapat pahintulutan ang sinumang unibersidad at kolehiyo na kapag masyadong mababa ang porsiyento ng mga nakapasa sa licensure exams ng kanilang mga mag-aaral ay huwag ding payagan na magtaas ng matrikula dahil nangangahulugan ito na mababa ang kalidad ng kanilang pagtuturo.

Bagamat deregulated ang pagtataas ng matrikula pero may kapangyarihan ang gobyerno na huwag pairalin ang tuition hike kung hindi karapat-dapat at kontra sa interes ng taumbayan.

Show comments