Uok (147)

P ATULOY pa rin si Basil sa pagkukuwento kay Drew.

“Ang sabi sa akin ng vendor­, nawala raw bigla ang asawa ni Osang makaraang matagpuang patay sa ilog. Ang hinala ay nagbalik na ito sa Saudi.’’

“Pero yung asawa raw po ba ang talagang pumatay kay Osang?” tanong ni Drew.

“Oo. May nakakita raw na itinulak si Osang ng asawa­ nito sa ilog. Pagkaraan niyon ay hindi na nakita at may nakapagsabi na nasa Saudi na.’’

“Kaya hindi mo rin po nalaman kung ang pinag­buntis ni Osang ay sa’yo. Wala ka ring sapat na katibayan.”

“Oo. Hindi ako tiyak kung buntis nga ba si Osang at kung dahil doon kaya siya pinatay. At hindi rin naman matiyak kung ang asawa nga niya ang pumatay kay Osang.’’

“Masyado pong mahiwaga ang nangyari kay Osang ano Sir Basil. Wala pong malinaw na dahilan kung bakit siya pinatay at kung totoo nga bang nawala siya sa sarili.’’

“Tama ka Drew. Pero ang ipinagtataka ko lamang, lahat nang mga babaing nagkaroon ng relasyon sa akin ay namamatay. At pati na rin ang kanilang asawa ay ganundin. Tingnan mo ang nangyari kay Pacita at Mahinhin. Namatay sila at pati ang kanilang asawa.

“E ito pong asawa ni Osang ay hindi naman namatay di ba?”

“Namatay din siya Drew?”

Gimbal si Drew.

“Ano pong nangyari?’’

“Muli akong bumalik sa bus terminal at nakita ko ang huling vendor na nakausap ko. Sabi niya patay na rin daw ang asawa ni Osang. Napatay daw ito sa Saudi. Isang kasamahan daw ang sumaksak. Grabeng saksak daw ang tinamo at hindi na umabot sa ospital!

“Ang isang nakapagta­taka raw, ang lalaking sumaksak sa asawa ni Osang ay yung dating nobyo ni Osang. Hindi malaman kung paano napunta yung dating nobyo sa pinagtatrabahuhan ng asawa ni Osang. Basta raw pinaghandaan ang pangyayari dahil binunot ang patalim sa baywang. Para bang paghihiganti. Matapos daw patayin ang asawa ni Osang, tumakas na ang lalaki. Hindi alam kung nahuli ang pu­matay. Basta ang sabi, grabe ang galit ng lalaki sa asawa ni Osang.’’

(Itutuloy)

Show comments