SA bibig na mismo ni dating senador at ngayo’y presidential adviser on food security and agricultural modernization Francis Pangilinan nanggaling na inilagay siya ni President Aquino sa puwesto para linisin ang Department of Agriculture. Hindi ia-appoint ni P-Noy si Pangilinan kung hindi niya nakikitang talamak ang katiwalian sa tanggapang pinamumunuan ni Sec. Proceso Alcala. Sabi ni Pangilinan makaraang panumpain ni P-Noy noong Martes, inatasan daw siya ng Presidente na linisin sa corruption at smuggling ang agriculture department. Apat na ahensiya ang hahawakan ni Pangilinan, ito ay ang National Food Authority, National Irrigation Administration, PhilipÂpine Coconut Authority at Fertilizer and Pesticide Authority.
May kasanayan na si Pangilinan sa pagsasaka kaya maaaring magampanan niya ang tungkulin. Mas maganda kung una niyang tututukan ang smuggling ng bigas na labis na nagpapahirap sa mga magsasaka. Talamak ang smuggling sapagkat may mga kakutsabang maiimpluwensiyang opisyal umano sa NFA. Sa kabila na may itinuturo nang bigtime smuggler ay hindi pa rin maparusahan sapagkat may mga kumakalong na matataas na opisyal.
Dahil sa talamak na rice smuggling, ang nawawalan ng ikinabubuhay ay ang mga local na magsasaka ng palay. Dahil mas mura ang smuggled rice, hindi na nabibili ang mga ani ng magsasaka. Napipilitan silang ibenta ng mura at nalulugi sila sapagkat mahal ang fertilizer at insecticide.
Kapag naputol ni Pangilinan ang smuggling, maraming magsasaka ang matutuwa. Pagkatapos ng smuggling, sunod na linisin ni Pangilinan ang NFA na batbat din ng katiwalian.