Si Chips, ang bayaning aso noong world war 2

SI Chips ay isang German Shepherd. Noong World War 2, ibinigay siya ng kanyang amo sa gobyerno na nagsasanay ng mga alagang aso upang gawing war dogs. Isa si Chips sa mga libu-libong asong ipinagkatiwala ng kanilang mga amo sa gobyerno upang makipaglaban sa ibang bansa.

Ipinasok si Chips sa isang training center bago isinama sa isang batalyon na ipinadala sa iba’t ibang parte ng mundo. Noong 1943, ipinadala ang batalyong may hawak sa kanya sa isla ng Sicily.

Nasa isang dalampasigan noon si Chips at ang sundalong may hawak sa kanya nang makaengkuwentro ng batalyon nila ang isang grupo ng mga sundalong Italyano. Niratrat sila ng machine gun kaya hindi maka-abante ng mga Amerikano na nanatiling mga nakadapa at nakatago.

Sa puntong ito, ipinakita ni Chips ang kanyang katapa­ngan nang sapilitang umalpas sa sundalong may hawak sa kanya at mabilis na tinungo ang bunker ng mga sundalong Italyano na nagpapaulan ng bala. Nakapasok si Chips sa bunker kahit may sugat at walang habas na pinagkakagat ang apat na sundalong nasa loob. Dahil sa takot, nagtatakbo palabas ang mga sundalo at sumuko sa mga Amerikano.

Hindi roon natapos ang kabayanihan ni Chips sapagkat nang araw ding iyon sumabak pa siya sa isa pang sagupaan kung saan 10 Italyanong sundalo ang nahuli ng American troops.

Dahil sa laki ng kontribus­yon ni Chips sa pakikipaglaban, ginawaran siya ng  Distinguished Service Cross at Silver Star. Ang mga medalyang nabanggit ay ibinibigay lamag sa mga sundalong nagpakita ng tapang sa pakikipaglaban. Ginawaran din siya ng Purple Heart medal, na iginagawad naman sa mga sundalong nagtamo ng sugat sa pakikipaglaban.

Pagkatapos ng digmaan, ibinalik si Chips sa kanyang amo. Naging sikat sa Amerika ang kuwento ni Chips. Noong 1990, nagkaroon ng pelikula tungkol sa kanyang mga pakikipagsapalaran, halos limang dekada matapos ang kanyang pakikipaglaban noong World War 2.

 

Show comments