BUKAS ay Labor Day. Imbis na pahinga, protesta.ang magaganap sa araw na ito. Opisyal na holiday para makapag-rally ang mga manggagawa.
Ang pinakaunang protestang naitala sa kasaysayan ng pagdiriwang ng Labor Day ay noong 1903, nang 100,000 ang nag-rally sa labas ng Malacañang para sa kalayaan ng Pilipinas gayundin ang mga karapatang pang-ekonomiya ng mga miyembro ng labor sector. Makalipas ang isang dekada, saka lamang naging opisyal ang pagdiriwang ng May 1 bilang Labor Day. Sa panahon ni dating Pres. Gloria Macapagal Arroyo ipinatupad ang pag-uurong ng holiday breaks kaya humaba ang bakasyon ng mga tao. Tinuligsa ang administrasyon dahil minamaliit umano nito ang mga nasabing holiday. Noong 2002, ginawang April 29 ang Labor Day. Ikinagalit ito nang marami kaya noong 2008, hinirang ang Labor Day bilang exception sa Holiday Economics policy.
Ang tema ng Labor Day ngayong taon ay “Sipag, Tiyaga at Talino, Buong Mundo Saludo sa Manggagawang Pilipino. Walang pasok bukas ngunit kung sila ay kailangang pumasok, 200% ang kanilang suweldo pa.
Samantala, nabago naman ang aking pananaw sa pagtatrabaho simula nang maging malapit ako sa Diyos.
Tayo ay may matitinding pangangailangan. Maraming binubuhay at sinusustentuhan ay hindi sinasanto ang holidays o bakasyon at patuloy pa rin ang pagtatrabaho, ni walang oras na magpahinga. Ganoon din ako dati. Kayod kabayo hanggang sa lumawit ang dila. Pero napagtanto ko, na hindi ito ang nais ng Panginoon para sa akin. Hindi Niya hangad ang pagurin ang aking katawan sa pagtatrabaho na ni wala ng oras upang ipahinga. Dati, takot ako na kapag hindi kumilos ay walang kikitain at hindi sasapat ang aking pera sa katapusan ng bawat buwan para sa mga bayarin. Madalas noon ay lupaypay ang aking katawan at isipan sa pagtanggap.
Ngayon, natutunan kong ipagdasal at iangat sa Diyos ang aking trabaho, negosyo at mga pangangailangan. Hiningi ko ang Kanyang basbas sa aking ginagawa at ipakita Niya sa akin kung ito ba ang trabahong nararapat para sa akin. Binasbasan Niya ito at biniyayaan ako.
Ngayong Labor Day, gamitin ang oras upang itanong sa Diyos kung ang ginagawa mo ang nararapat at itinakda para sa iyo. Ipagdasal mo na hindi ka mag-overwork para lamang yumaman.