Lalaking lumpo, nilakbay ang buong mundo sakay ng wheelchair

SI Richard Hansen ay 15 taong gulang nang madisgrasya habang sakay ng pickup truck. Napinsala ang kanyang spinal cord na naging dahilan ng kanyang pagka-lumpo simula noon. Ngunit sa kabila ng pagiging lumpo, itinuloy pa rin niya ang pangarap niyang maging atleta. Lumahok siya sa mga paligsahan para sa mga may kapansanan.

Noong 1980, isang atletang lumpo mula sa Canada ang sumubok na takbuhin ang buong Canada. Hindi nagtagumpay ang atleta dahil sa nagkasakit. Ang atletang iyon ang nagbigay ng inspirasyon kay Richard para lakbayin ang buong mundo sakay ng kanyang wheelchair.

Sinimulan ni Richard ang paglalakabay sa buong mundo sa Vancouver, Canada noong 1985. Kakaunti lang ang nakapansin kay Richard nang simulan ang paglalakabay ngunit nang lumaon, nalaman na rin ng publiko ang kahanga-hanga niyang paglalakbay na umabot ng 26 na buwan. Sakay ng kanyang wheelchair, nakapunta siya sa apat na kontintente kasama na ang 34 na bansa bago siya nakabalik sa Canada noong 1987. Literal na naikot ni Ri-chard ang buong mundo sapagkat umabot ng lampas 40,000 na kilometro ang kanyang nalakbay, katumbas ng circumference ng ating planeta.

Sa layo ng kanyang nilakbay, halos 100 gulong ng kanyang wheelchair ang napudpod. Umabot naman sa 11 pares ng gloves ang kanyang nagamit dahil napupudpod din ang mga ito kapag pinaiikot ang gulong ng wheelchair gamit ang mga kamay.

Itinuring na bayani si Ri­chard nang bumalik sa Ca­nada. Kasunod niyon, isang foundation ang kanyang tinatag para pag-aralan ang tungkol sa pagkapinsala ng spinal cord tulad ng nangyari sa kanya. Nakalikom ang foundation niya ng mga donasyon na umabot sa $26 milyon at iyon ang ginamit sa pag-aaral.

Ngayon ay nasa museo na ang wheelchair at ilan pang mga kagamitan ni Richard na ginamit niya noong inikot ang mundo. Noong 2010 Winter Olympics na ginanap sa Vancouver, Canada, isa siya sa mga napiling torchbearer.

 

Show comments