EDITORYAL - Ipagpatuloy ng LTFRB ang mahusay na trabaho
MALAKI na ang pinagbago ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Hindi katulad noon na walang ginagawa ang namumuno kaya walang pakinabang ang taumbayan. Ngayon ay kapaki-pakinabang ang ginagawa ng hepe ng LTFRB. Matatag at mayroon nang paninindigan. Hindi natitinag sa pagpapataw ng parusa sa mga bus company na nasasangkot ang mga unit sa aksidente. Kung nasangkot ang bus sa malagim na aksidente, tiyak na suspensiyon o pagkansela sa prankisa ang parusa. Hindi mababago ang pasya ng LTFRB sa bus company sapagkat ang kanilang iniingatan dito ay ang kaligtasan ng mga pasahero. Pinangangalagaan lamang nila ang buhay ng mga pasahero sa mga walang disiplina at mangmang na bus driver. Lahat nang mga nangyaring trahedya sa bus ay kagagawan ng driver o driver’s error. Maaaring maiwasan ang pagbangga o pagkahulog sa bangin kung naging maingat lamang ang drayber. Dahil sa kamangmangan, dinala niya sa hukay ang mga kawawang pasahero at ang ilan ay ginawa pang baldado habambuhay.
Saludo kami kay LFTRB chairman Winston M. Ginez dahil sa ginagawa niyang pagpapataw ng parusa sa mga bus company. Sa ginagawa niyang pagkastigo sa bus companies, maiiwasan ang pagkamatay at pagkasugat ng mga inosenteng pasahero. Magandang paraan para lubusang mailigtas ang mga pasahero.
Isa sa mga nasampolan ng LTFRB ay ang Victory Liner na sinuspinde sa loob ng 30 araw makaraang mahulog sa isang bangin sa Olongapo City noong nakaraang linggo. Isang babae ang nasagasaan at maraming pasahero ang nasugatan. Sinuspinde ang 42 bus units ng Victory.
Nakatikim na rin ng bangis ng LTFRB ang Florida Bus Lines na nahulog sa bangin sa Mountain Pro-vince na ikinamatay ng mga pasahero. Nakatikim din ang Don Mariano Transit na nahulog sa Skyway na ikinamatay din nang maraming pasahero.
Nararapat ipagpatuloy ng LTFRB ang magandang trabaho para sa kapakanan ng mga pasahero.
- Latest