Diagram!
Palalim nang palalim ang kasong pagkapaslang kay Chief Inspector Elmer Santiago kamakailan sa Mandaluyong City kaya marapat lang talaga ang malalim ding imbestigasyon.
Sinasabing ang naganap na pagpatay rito ay may kinalaman sa ginawa nitong diagram na nagsasangkot sa may 30 opisyal at tauhan ng pulisya sa operasyon ng ilegal na droga at cybersex sa Central Luzon.
Kahapon anim pang opisyal at 19 na tauhan ng PNP na nasa diagram ni Santiago ang sinibak sa puwesto.
Ang aksyon, ayon kay PRO 3 director Chief Supt. Raul Petrasanta ay ginawa para sa isasagawang imbestigasyon ng NCRPO ukol dito.
Ang mga pulis na inalis sa puwesto ay kabilang sa mahigit 30 parak na isinangkot ni Santiago sa ginawa nitong diagram na ipinarating nito sa PNP bago pa maganap ang pananambang sa kanya noong Abril 16, sa Brgy. Malamig sa Mandaluyong City. Sugatan din sa insidente ang misis ni Santiago.
Una rito, inalis din sa puwesto ni NCRPO Chief P/Director Carmelo Valmoria sina Supt. Maristelo Manalo ng Regional Police Holding unit ng NCRPO at Supt. Robin King Sarmiento, Deputy Chief of Operations ng Parañaque City Police.
Hindi lang pala mga kabaro ni Santiago ang kabilang sa ginawang diagram kundi ang ilan ay mismong kanyang kaklase o mistah niya sa PNPA Class 1996.
Napakalalim na pala at napakalawak ng sindikato na tinutukoy ni Santiago.
Mukhang malaking dagok na naman ito sa pamunuan ng PNP, dahil grupo ng pulis ang isinasangkot.
Giit pa ng pamilya ng pinaslang na police major na dapat din daw magsagawa ng lifestyle check sa may 30 parak na isinama ni Santiago sa diagram na isang patunay umano sa pagbubulgar nito sa kinasasangkutang ilegal na operasyon ng mga ito.
Malamang na mahaba pa ang tatakbuhin ng kasong ito at ito ang ating aantabayan.
- Latest