‘Sunud-sunod kung umiri’

MAMULAKLAK at mamunga man ng marami ang puno na iyong itinanim subalit kung ang ugat nito ay nakapipinsala o nakakasira ng mga katabing istraktura kailangan putulin at hugutin ito.

“Ang abogado ko parang panig sa kabila. Sinasabi niyang matatalo ako,” wika ni Rosario.

‘Illegal Dismissal’ ang kasong inihain ni Ma. Rosario Rivera, 35 taong gulang, taga Makati laban sa Major Shopping Management Corp. SM Megamall. Tinanggal umano siya sa pinagtatrabahuan matapos niyang manganak. Pinilit siyang magbitiw ng mga ito at hindi pinakinggan ang kanyang mga pakiusap. Taong 1996 pa lamang nang magsimulang magtrabaho bilang ‘sales clerk’ si Rosario sa SM Megamall.

“Wala po akong naging problema doon. Matataas ang ratings ko pagdating ng evaluation,” pahayag ni Rosario. Hindi daw siya lumiliban at kasundo niya rin ang kanyang mga ka-trabaho. Kung may violation man siya sa pagiging late lamang daw. Nagbago lamang ang kanyang tala ng pagtatrabaho nang makilala niya si Roderick Rivera. Naging kasamahan niya rin ito sa SM Megamall. Nagkapalagayan ng loob ang dalawa at naging magkarelasyon. Isang taon ang makalipas nagpakasal na sila. “Ilang buwan pagkatapos ng kasal namin nabuntis ako. Maayos naman ang kondisyon ko nun kahit laging pagod at puyat,” kwento ni Rosario. Habang tumatagal ay napapansin ni Rosario na mas madali na siyang mapagod at pakiramdam niya hindi niya kakayanin ang pagkilos araw-araw. Nagpatingin siya sa doktor at sinabi nito na kailangan niyang magpahinga dahil maselan ang kanyang pagbubuntis.

“Bed rest daw ang kailangan ko. Tatlumput dalawa na kasi ako nang mabuntis. Kahit maghugas ng pinggan hindi ko kaya dahil dinudugo ako kaagad,” salaysay ni Rosario. Nag-file ng ‘maternity leave’ si Rosario para makapagpahinga at masiguro ang kaligtasan ng kanyang magiging anak. Ika-8 ng Hulyo 2008 nang siya’y manganak. Dalawang buwan ang nakalipas agad siyang bumalik sa trabaho.

“Pinilit kong makabawi. Kaso nung March 2011 nabuntis ulit ako. Sa panahong yun salitan ang pagliban at pagpasok ko,” wika ni Rosario. Matapos niyang manganak noong Oktubre bumalik siya kaagad sa trabaho noong Dis­yembre 8, 2011. Tila bawat taon ay nauulit ang pagliban at pagli-leave ni Rosario dahil sa pagbubuntis. Pinipilit niyang pumasok ngunit talagang hindi kinakaya ng kanyang katawan. Pagdating ng taong 2012 nang magbalik siya pagkapanganak sa ikatlo, ilang buwan lang ang nakalipas binigyan na siya ng ‘memorandum’. Pinapipili din umano siya kung magreresign siya o tatanggalin sa pinapasukan.

Ika-18 ng Oktubre 2013…nakatanggap ng sulat si Rosario. Pirmado ito nina Human Resource Manager Celia B. Cabautan at Branch Ma­nager Beverly Jane A. David. Ang sulat na ibinigay sa kanya ay may kinalaman sa kanyang pagkakakuha ng ‘below ave­rage ratings’ sa loob ng limang sunud-sunod na appraisal periods. Nakalagay sa liham na mula Oktubre 2010 hanggang Marso 2013 ay hindi niya man lang naabot ang ave­rage rating na hinihingi ng kompanya. Nabigyan na din daw siya ng apat na memoranda kung saan isa-isang tinukoy ang mga bagay na kaila­ngang pagbutihin. Ayon umano sa performance standard ng kompanya, ang pagkakaroon ng empleyado ng apat na magkasunod na below average appraisal ratings ay matatanggal. Ipinaliwanag din umano kay Rosario na siya’y nagkaroon ng ‘habitual at gross neglect’ sa kanyang responsibilidad at gampanin bilang ‘sales clerk’. Nakasaad din dito na matapos ang ebalwasyon ay lumalabas na nagkaroon siya ng paglabag sa Article 282 paragraph B ng labor code: Termination By Employer: An employer may terminate an employment for gross and habitual neglect by the employee of her duties.

“Nagtanong ako kung dahil ba yun sa mga absent ko sabi nila oo daw. Humingi ako ng konsiderasyon kahit hanggang Disyembre lang pero hindi sila pumayag,” pahayag ni Rosario. Ika-22 ng Oktubre 2013 nagsadya na si Rosario na magtungo sa National Labor Relations Commission (NLRC) para maghain ng reklamong ‘Illegal Dismissal’.

“Ang abogado ko parang panig sa kalaban. Sabi niya wala raw akong laban at matatalo ako. Labingpitong taon akong nagsilbi doon,” sabi ni Rosario. Nais ni Rosario na maibigay sa kanya ng tama ang kanyang separation pay. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Rosario.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kadalasan kapag ang isang tao ay matagal na sa serbisyo nagdadalawang isip ang ilan na sila’y tanggalin lalo na kung ito’y mapagkakatiwalaan. Ngunit may mga pagkakataon naman na kahit gaano ka na katagal kapag negosyo at pera na ang pinag-uusapan ay naiisantabi ang inyong samahan. Nakalagay sa position paper ng iyong kalaban Rosario na kaya ka nila tinatanggal ay dahil sa hindi mo pagkakaabot ng kanilang standard rating value. Sa tagal ng iyong pagseserbisyo doon nararapat naman sigurong bayaran ka nila ng tama na nasasaad sa ating batas dahil hindi ka naman tatagal ng labing pitong taon kung hindi ka maayos magtrabaho. Nagpasa na kayo ng mga position paper, titimbangin ito ng Arbiter upang makagawa ng resolusyon tungkol sa kasong iyong isinampa. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

Show comments