PAMBIHIRA si LuLu (isang Vietnamese pot-bellied na baboy) dahil iniligtas ang among babae nang atakehin sa puso. Siya ay pag-aari nina Jack at Jo Ann Altsman ng Pennsylvania.
Ayon sa mag-asawa, iniregalo si LuLu sa kanilang anak subalit hindi na kinuha sa kanilang bahay kaya sila na ang nagpalaki rito.
Hindi na ito binawi ng anak mula noon kaya napamahal na ang baboy sa kanila. Mahilig sa donut si LuLu kaya naman lumobo ito sa 150 pounds sa loob lamang ng isang taon.
Nangyari ang kagila-gilalas na insidente noong 1998. Inatake sa puso si Jo Ann habang nag-iisa sa kanilang bahay. Nangingisda ang kanyang asawang si Jack nang mangyari iyon. Sinubukan niyang sumigaw at gumawa ng ingay upang may makarinig sa kanya at magbigay ng tulong ngunit walang nakapansin sa kanya.
Nakita umano siya ni LuLu at nilapitan. Ayon kay Jo Ann, tila umiiyak ito nang makita siyang nakahandusay. Pagkatapos ng sandaling pagluha, dali-dali itong lumabas ng kanilang bakuran. Kahit hindi sanay sa labas ng bahay ay nagawa ni LuLu na hanapin ang highway kung saan hinarang niya ang mga dumadaang sasakyan.
Sa una ay walang pumapansin sa baboy at binubusinahan lang ito. Nagpabalik-pabalik naman si LuLu sa kanilang bahay na parang tsine-check ang kalagayan ng kaniyang amo.
Matapos ang 45 minuto ng pabalik-balik mula sa highway ay may isang motoristang bumaba ng kanyang sasakyan upang malaman kung ano ang ginagawa ng baboy. Sinundan niya si LuLu sa bahay ng mga Altsman. Hanggang makita niya ang nanghihinang si Jo Ann. Dali-dali na siyang tumawag ng ambulansya.
Inoperahan sa puso si Jo Ann. Nakaligtas sa kamatayan. Ayon sa mga doktor, maaring namatay si Jo Ann kung tumagal pa nang higit sa 15 minuto at hindi siya nadala sa ospital.
Naging celebrity naman si LuLu sa kanyang naipamalas na pagmamahal sa amo. Lumabas na siya sa ilang mga pahayagan at programa sa telebisyon na nagtampok ng kanyang kabayanihan.