KAHAPON, laman ng balita ang tungkol sa 14 na pulis na inakusahan nang illegal arrest at extortion ng pitong Koreano. Itinanggi ng mga pulis ang akusasyon. Nangyari umano ang illegal arrest at extortion noong nakaraang buwan. Sabi ng mga sangkot na pulis, patutunayan daw nila sa tamang forum na wala silang kasalanan. Malinis daw ang kanilang konsensiya. Ni-relieved sa puwesto ang mga pulis at nasa Holding and Administrative Service ng EPD.
Kahapon din, isang police chief sa Tanza, Cavite ang sinibak sa puwesto dahil sa pagkakasangkot sa pagpatay sa tabloid reporter.
Noong nakaraang Lunes (Abril 1) mariing ipinaÂalala ni President Noynoy Aquino sa mga bagong graduate ng Philippine National Police Academy (PNPA) na maging matapat sa tungkulin, matuwid sa pamamahala at huwag mangongotong. Deretsahan ang pagsasabi ng Presidente sa mga bagong magpupulis na huwag gumawa ng katiwalian. Ang paggawa ng katiwalian ang nagsisilbing kalawang sa PNP. Isabuhay aniya ang mga natutuhan sa apat na taong pag-aaral sa akademya. Sa ganitong paalala maaaring maakay sila at maging huwaran sa mga susunod pang henerasyon ng mga pulis.
Matagal nang bagsak ang imahe ng PNP. Kahit na gumagawa ng hakbang ang mga naging hepe ng PNP at maging ang kasalukuyan, marami pa rin ang gumagawa ng kabuktutan at kabilang nga ang paÂngongotong na binanggit ni President Aquino.
Hindi lamang sa pangongotong nauugnay ang ilang pulis. Sangkot din sa pag-torture sa suspect, pangsa-salvage at pagtatanim ng kung anu-anong ebidensiya para magkapera. May mga protector din ng pasugalan, prostitution den at drug syndicate.
Sana, ang mga paalala ni P-Noy sa mga bagong magpupulis ay tumagos hindi lamang sa isipan kundi pati sa puso. Nararapat tahakin nila ang tamang daan para naman maibangon ang pangalan ng organisasyon na marami nang dungis.