ANG emphysema ay isang sakit sa baga na dulot ng matagal na panahong paninigarilyo at paglanghap ng polusyon sa hangin. Ang baga natin ay may mga maliliit na air sacs (parang lobo ng hangin) kung saan pumapasok sa katawan ang oxygen at lumalabas ang carbon dioxide.
Dahil sa usok at polusyon, puwedeng masira itong mga air sacs ng baga at mapigilan ang pagpasok ng oxygen sa katawan. Dahil sa sigarilyo, tumitigas ang baga, nag-iipon ang plema at nahihirapan nang huminga ang pasyente.
Ano ang gamot sa emphysema? Wala pa talagang lunas ang emphysema. Kapag nasira na ang ating baga, hindi na ito maiaayos muli. Hindi naman natin puwedeng operahan at palitan ang baga.
Ano ang nagiging buhay ng taong may emphysema? Lagi silang hirap huminga. Kaunting lakad lang ay parang kapos na sa hangin. Mayroong mga inhalers na ibinibigay ang doktor (mamahalin ito at umaabot sa 1 libong piso) na puwedeng makatulong. At sa bandang huli ay nangangailan pa ng Oxygen Tank sa bahay para lang makahinga. Grabe talaga ang pinsala ng sigarilyo!
Kung ayaw ninyong magka-emphysema, sundin ang mga ito:
Ihinto na ang paninigarilyo. Hindi pa huli ang lahat, kaibigan. Basta itinigil mo ang paninigarilyo, mapipigilan natin ang tuluyang pagkasira ng iyong baga.
Umiwas sa lugar na may naninigarilyo. Kapag may kasama kang naninigarilyo, para ka na rin nanigarilyo ng 3 sticks sa bawat oras na kasama mo siya.
Palakasin ang iyong masel sa dibdib. Mag-ehersisyo gamit ang 1 kilong dumbbell sa bawat kamay. Palakasin ang masel sa leeg, balikat at dibdib para mas makahigop ng hangin.
Kumain ng 6 na beses sa isang araw pero kaunti lang. Halimbawa, isang saging lang sa meryenÂda. Masama kasi ang sobrang busog sa may emphysema dahil naiipit ng tiyan ang iyong baga.
Abutin ang tamang timbang. Hindi maganda ang sobrang taba at ang sobrang payat din. Kapag payat ka masyado, mawawalan din ng lakas ang katawan. Kumain ng masustansyang pagkain tulad ng gulay, prutas, isda at manok.
Tamang paghinga: Huminga ng malalim ng nakabuka ang bibig. Gamitin ang tiyan sa paghinga.
Habaan ang iyong pag-exhale (paglabas ng hangin). Subukang mag-exhale ng nakabilog ang bibig (purse lip breathing). Para bang humihipan ka sa isang straw. Mapipigilan nito ang pagsara ng mga air sacs sa baga.
Uminom ng vitamin C at E. Mga anti-oxidants ito at baka makatulong sa masamang epekto ng paninigarilyo.
Magsuot ng maluluwag na baro. Magluwag din ng pantalon para hindi mahadlangan ang iyong paghinga.
Matulog ng nakaangat ang ulo at katawan. Gumamit ng 2-3 unan para mas makahinga.
Siguraduhing malinis ang iyong kuwarto (walang alikabok at carpet) at maganda ang daloy ng hangin. Kung may air-conditioner ay mas makagiginhawa pa.
Mag-relax at mag-dahan-dahan lang sa inyong gawain.
Humingi ng suporta sa pamilya at magpatingin sa isang espesyalista sa baga (pulmonologist). Good luck po!